Sina Pia at Loren

_bobby ricohermoso

HINDI ko personal na kilala sina Senadora Loren Legarda at Pia Cayetano pero minarapat ko na bigyang pansin ang magagandang ginagawa nila bilang mga mambabatas.

Unahin natin si Sen. Pia na ilang beses na ring pinatunayan na karapat-dapat siyang maupo sa Senado at hindi lamang siya nahalal dahil anak siya ng yumaong batikang mambabatas na si Sen. Rene “Compañero” Cayetano.

Halimbawa na lang noong panahon ng impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona kung saan ay nakita ng taumbayan ang maliwanag at maayos na pamamaraan ng kanyang mga pagtatanong para malaman kung ano talaga ang totoo.

Bilang babae ay kilala rin si Pia sa pagtatanggol sa mga karapatan ng kanyang mga kabaro at mas lalo itong nakitaan ng buong tapang niyang isinulong ang Reproductive Health bill na natulog na sa Kongreso ng mahigit 13 taon.

Sa kabila ng mga puna at paninira na ginawa ng mga kontra sa panukala ay hindi siya nagpatinag hanggang sa tuluyan na itong nakapasa at maaprubahan sa bicameral conference committee ng Kongreso.

Hindi umubra kay Pia ang paghadlang dito ng Simbahang Katoliko dahil na rin sa masigasig na pagsusulong ng senadora.

Sa kabilang banda, bilib din ako kay Sen. Loren dahil naipakita na rin niya sa maraming pagkakataon ang pagiging visionary niya.

Hindi pa uso ang mga salitang climate change, global warming at iba pang termino hinggil sa klima at kalikasan ay una ng naging aktibo si Loren na magbabala hinggil sa mga banta na resulta ng patuloy na pag-abuso ng tao sa kalikasan.

Sa madaling salita ay pro-environmentalist na siyang matagal pang panahon bago ito naintindihan ng marami sa ating mga kababayan at maging mga opisyal ng pamahalaan.

Hindi lang tungkol sa kapaligiran ang adbokasiya niya kundi maging ang kapakanan ng mga kababaihan at ng mga overseas Filipino worker (OFWs).

At ang pinakahuling ginawa niya na nakatawag ng aking pansin ay nang manawagan siya kay Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III na lagdaan na kaagad ang batas tungkol sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act. Naglalayon ito na bigyang proteksyon ang mga kababaihan at mga kabataan laban sa human trafficking.

Napapanahon ang batas dahil na rin sa matinding trahedyang idinulot ng bagyong si Pablo sa malaking bahagi ng Mindanao.

Ang mga pagkakataong ganito kasi ang sinasamantala ng mga human traders para makuha ang loob ng kanilang mga biktima na pinangangakuan nila ng kung ano-ano bago nila isadlak sa kapahamakan.

Nararapat lamang papurihan sina Loren at Pia at dahil pinatutunayan nila sa pamamagitan ng kanilang mga ginagawa na hindi nasasayang ang panahon ng ipinamamalagi nila sa Senado.

Hindi gaya ng ibang mga lalaking senador diyan na walang ginawa kundi tumunganga at magpalaki ng yagbols sa Senado.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply