Sino ang nagwagi, ang mga Pinoy o si PNoy?

pulso-dens legaspi

ILANG sandali na lang mula ngayong araw ay tuluyan nang magpapaalam ang kasalukuyang taon, samantalang sabay-sabay naman nating sasalubungin ang taong 2013.

Nawa’y harapin natin ang parating na Bagong Taon ng may “positibong pananaw” at “matibay na pananalig.” Huwag tayong tumigil managinip, kahit ilang beses na rin sinubok ang ating pagkainip.

Marahil ito ay panahon din para makapagpasalamat, sa mga biyayang ating natanggap.

Nawa’y manumbalik ang ating tiwala, na meron pa ring darating umaga na magdadala ng sigla at pag asa.

*****

Maituturing na eto na siguro ang isa sa pinakamatagumpay na taon ng kasalukuyang administrasyon mula nang naluklok sa Malakanyang simula noong taong 2010.

Mula sa pagpapatalsik sa dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si Renato Corona noong Mayo, hanggang sa pag-apruba ng mga kontrobersyal na mga panukalang batas gaya ng Sin Tax Bill at Reproductive Health Bill, wagi ang Palasyo sa lahat ng ito.

Siyempre, ibinibida rin ng administrasyong Aquino ang makasaysayang pagpirma sa isang inisyal na framework na magbibigay-daan sa kasunduang kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Isama na rin natin ang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ng 7.1 bahagdan, ang ikalawang pinakamataas na naitala ng kahit anong bansa sa Asya noong third quarter ng taon. Nakuha pa nating maungusan ang Singapore at Malaysia, kaya’t nasorpresa kahit ang mga in-charge sa ating pinansya, maging ang nasa akademya na mga ekonomista.

******

Marami ang nagsasabing “political will” ng kasalukuyang pangulo ang dahilan ng lahat ng ito. Isa raw siyang matapang at may paninindigang lider na kayang banggain ang sinuman, alang-alang sa kapakanan ng bayan.

Isa raw siyang ma-prinsipyo, na hindi yuyuko kahit sa anumang isusuhol na salapi at tukso.

Sa kabilang banda, meron din namang nag-aakusang diumanong “diktador” at “mapaghiganti” si Pang. Aquino, na gagawin ang lahat masunod lamang ang kanyang personal na hangad, kahit ito’y di naaayon sa itinakda ng batas.

Anila, ang diumanong lantarang pakikipagkuntsaba ng Palasyo sa ibang mga sangay ng gobyerno, masunod lamang ang gusto nito, ay makukunsiderang tahasang ‘pakikialam’ at ‘panghihimasok’ sa kapangyarihang taglay ng mga ahensiyang hindi na niya sakop.

*****

Well, anuman ang sabihin ng magkabilang panig mga katoto, hangad at panalangin ng inyong lingkod na sa kabuuan ng lahat ng ito, nawa ay ang tunay at walang-dudang nagwagi sa mga naganap ngayong taon ay ang mga Pinoy, hindi lang si PNoy.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply