Super Typhoon Pablo, Category 5 na

bagyong-Pablo-dec-4

CATEGORY  5 na ang super typhoon ‘Pablo’ na nananalasa ngayon sa Mindanao.

Ito ang pagturing ng ibang international agency sa typhoon Pablo at sinasabing pinakamalakas na bagyo na tumama sa Mindanao makalipas ang mahigit sa apat na dekada nang huling tumama noong 1970 ang bagyong Titang.

Sa ngayon ayon sa National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA), taglay na ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 260 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na aabot sa 315 kilometro bawat oras.

Malayo ito sa pagtaya ng Pagasa na aabot lamang sa 165 kilometro bawat oras at may pagbugsong hangin na aabot sa 210 kilometro bawat oras.

Ayon sa NOAA, mabilis naman ang usad nito sa 31 kilometro bawat oras sa direksyon ng kanluran hilagang kanluran bagamat humina ang pagkilos nito nang tumama sa kalupaan.

Malawak pa rin ang serkulasyon ng bagyo na aabot sa 775 kilometro habang may dalang ulan na 15 to 30 mm per hour.

Batay sa ulat ng Pagasa, nakataas ngayon ang storm signal number 3 sa lalawigan Southern Leyte, Bohol, Negros Oriental, Siquijor, Southern Cebu, Surigao del Norte, Siargao, Surigao del Sur, Dinagat Province, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Misamis Oriental, Camiguin, Bukidnon, Davao Oriental, Compostela Valley, North Cotabato, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Davao del Norte at Samal Island.
Habang signal number 2 naman sa ibang bahagi ng Cebu, Camotes Island, Iloilo, Guimaras, Capiz, Leyte, Biliran, Negros Occidental Davao del Sur, Sultan Kudarat, Zamboanga Sibugay at Maguindanao.

Habang signal number 1 naman sa Palawan, Calamian Group of Islands, Ticao Island, Masbate Northern Samar, Eastern Samar, Western Samar, Aklan, Antique Basilan, Sarangani at South Cotabato.

Bahagyang bumaba ang direksyon na tinatahak ng bagyo, kung saan matapos na magland fall o tumama ang mata kaninang alas 4:45 ng madaling araw sa Baganga, Davao Oriental, ngayon ay tinutumbok na ang Cagayan de Oro na dating tinamaan ng bagyong Sendong na mahigit sa isang libo ang nasawi.

Tatagos ang bagyo sa Northern Mindanao partikuklar sa pagitan ng Dipolog at Siquijor, katimugang bahagi ng Cebu at Negros, sa timog karagatan ng Panay Island habang tutumbukin ang El Nido Palawan.

Tinatayang sa Huwebes ng umaga ay makakalabas na ng kalupaan ng Palawan ng bagyo at didiretso na sa west Philippine sea.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply