Suspek sa pagpatay sa kawani ng meat shop, tukoy na

MABIBIGYAN na ng hustisya ang pagkakapatay sa isang kawani ng meat shop na napagkamalang may hawak ng malaking halaga ng salapi noong Linggo ng hapon sa Pasay city nang matukoy na ng pulisya ang motorsiklong ginamit ng dalawang armadong suspek na pumatay sa nasabing biktima.

Ito’y makaraang lumutang sa tanggapan ni Pasay city police chief Sr. Supt. Rodolfo Llorca ang isang testigo na nakakuha sa plate number ng motorsiklong ginamit ng mga suspek na pumatay kay Jimmy Santiago, 45, nakasugat din sa isa pang biktima na si Criselda Perono, 17, nahagip ng bala sa kanang braso.

Sa ulat ng pulisya, pinagbabaril si Santiago habang nagmamaneho ng sasakyang pag-aari ng kanilang amo, kasama ang iba pang kawani ng meat shop sa Arnaiz Avenue dakong ala-1 ng hapon.

Bago tumakas ang mga suspek, hinablot ng mga ito ang bag ng biktima na inakalang naglalaman ng malaking halaga ng salapi.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Section ng Pasay police na posibleng napagkamalan ng mga suspek na si Santiago ang pinagtitiwalaang humawak ng malaking halaga ng salapi kaya’t siya ang tinarget kaagad ng mga suspect.

Inihayag naman ng testigong itinago lamang sa alyas Boyet kay Sr. Supt. Llorca na isang kulay itim na Yamaha Sporty na may plakang 4591-RN ang ginamit ng mga salarin sa kanilang pagtakas.

Iniutos na ni Llorca ang pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy kung sino ang nagmamay-ari ng naturang motorsiklo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply