Tagumpay ni PNoy sa RH bill para sa Pinoy

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

NAGKAROON ng matinding labanan sa House of Representatives ang pagpasa ng House Bill 4244 o kilala bilang Reproductive Health (RH) bill nang pagbotohan ito ng mga miyembro ng mababang kapulungan kung saan nagresulta sa 113-104 na boto.

Kapwa suportado ng magkabilang grupo, Pro-RH at Anti-RH, ang panukalang batas kaya nga siyam na boto lang ang lamang ng pabor sa house bill na inabot na ng 14 na taon bago pa man maisulong.

Kaya naman walang pakialam ang Pangulong Benigno Aquino III kung akusahan man ang kanyang administrasyon na naglagay ng pressure upang maipasa sa Kamara ang RH Bill.

Naniniwala ang Pangulo na ang kanyang pagnanais na maisabatas ang RH bill ay para na rin sa kapakanan ng maraming Filipino lalo nang kababaihan na siyang makikinabang nang husto.

Hindi naman pagkitil ng buhay ang totoong napapaloob sa Reproductive Health bill subalit ang pangangalaga sa kalusugan lalo ng kababaihan na siyang bumabalikat sa problema ng pamilya lalo na kapag maraming anak.

Totoo naman na ang tagumpay ni Pangulong Aquino sa pagpasa ng RH Bill ay tagumpay hindi lamang ng kanyang pamahalaan kundi ng mga mamamayang Filipino na siyang unang apektado ng kawalan ng kontrol sa populasyon.

Aminado si PNoy na binigyan niya ng moral support ang Pro-RH bill congressmen subalit itinanggi nito na ginamit ng kanyang pamunuan ang “pork barrel”upang makamit ang tagumpay sa kontrobersyal na panukalang batas.

Tama lamang ang paniwala ni Pangulong Noynoy na magtutuloy-tuloy ang tagumpay ng RH Bill bagaman pilit pa rin itong hinaharang ng mga obispo, pari at iba pang gumagalaw sa Simbahang Katolika.

Gayunman, dapat lang na maghanda ang Pro-RH bill sa third and final reading dahil hindi man aminin ay gumagapang pa ang Anti-RH Bill supporters upang hindi makalusot ang panukalang batas na inamag na rin sa Kongreso sa kung ilang taon dahil sa takot ng mga mambabatas na bawian sila ng mga Katoliko at hindi sila iboto sa halalan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply