Tatak-Pilipino ang hindi sumusuko, ilang beses mang mabigo

pulso-dens legaspi

MULING ipinamalas ni “Filipino Flash” Nonito Donaire ang galing ng Pilipino sa boksing nang pabagsakin si Jorge Arce ng Mexico sa ikatlong round ng kanilang bakbakan kamakailan.

Ang tagumpay na ito ng 30-anyos na si Donaire ay ang kanyang ika-30 na sunod na panalo simula pa noong taong 2001. Ibig sabihin, labing-isang taon nang hindi natatalo si Donaire sa loob ng boxing ring.

Hindi na ako magtataka kung masungkit ng rising Filipino boxing superstar ang “Fighter of the Year” award. Well-deserving si Donaire, at nakita nating pinagpaguran at pinaghandaan niyang mabuti ang lahat ng apat na laban na kanyang pinagwagian ngayong taon.

Ang knockout win na ito ay walang dudang isang “welcome news” sa nagluluksang sambayanan, na matapus bayuhin ng bagyong “Pablo” ang katimugang bahagi, ay yinanig naman ng sorpresang pagkatalo ni boxing legend Manny Pacquiao kay Juan Manuel Marquez nung nakaraang linggo.

*****

Tulad ni Donaire, nag-uwi din ng karangalan sa ating bayan si Bb. Pilipinas Janine Mari Tugonon matapos  tanghalin bilang Miss Universe 2012 first runner up sa katatapos lamang na Miss Universe pageant sa Nevada, USA.

Muntik nang makopo ni Tugonon ang titulo ng pinakamagandang babae sa buong mundo, kundi lamang sa hometown favorite na si Miss America, na marami ang nagsasabi ay mas “inferior” ang naging sagot sa question and answer kaysa sa tugon ng apat pang finalists ng naturang paligsahan.

Tatlong taon na ring sunod na merong pumapasok na Pilipina sa top 5 ng nasabing pageant. Makuha na kaya nating maangkin ang korona sa susunod na taon? Pwede, tutal ay 39 taon na rin ang nakalipas ng maiuwi natin ang korona sa katauhan ni 1973 Miss Universe Margie Moran.

*****

Kita niyo naman mga katoto. Sa larangan man ng suntukan o sa mga patimpalak ng kagandahan, wagi lagi ang ating lahi.

Yan ang tatak-Pilipino, hindi sumusuko ilan beses man mabigo. Anumang bagyo ang dumating, ilan mang problema ang harapin, hindi yuyuko at basta na lang magpapatalo.

Bukas po ang inyong lingkod sa anumang hinaing, reklamo o komento. Maaaring mag-email lamang sa pulsonyo@gmail.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply