Transport protest caravan vs LTFRB at DOTC, aarangkada na

MULA sa Quezon City Elliptical Circle, nagsagawa ngayong umaga ng malaking transport protest caravan patungong tanggapan ng LTFRB at DOTC ang militanteng transport party-list na Piston at Alyansa tutol sa UV Express year-model phase-out upang kondenahin ang pagpapatupad ng 13 Years Model Mandatory Phase-Out sa mga UV Express simula sa Enero, 2013.

Ibig sabihin lahat ng mga UV Express Units na ang modelo ay taong 1999 pababa ay hindi na papayagang mairehistro at ma-renew ang prangkisa kapag hindi pinalitan ng bago o mas modelong unit, ayon kay George San Mateo, National President ng Piston at Convenor ng alyansa.

Sinabi ni San Mateo: “Mariin naming kinukondena ang LTFRB sa pagpapatupad ng Year Model Mandatory Phase-Out sa UV Express sa kabila ng unanimous na pagtutol ng lahat ng mga operators at lider ng iba’t ibang pederasyon at samahan ng UV Express na dumalo sa sarswelang public hearing na pinatawag ng LTFRB noong Oktubre 24, 2012.”

“Sa katunayan ay walang isinagawang public hearing o public consultation ang LTFRB noong panahong binabalangkas nito ang 2007 at 2012 LTFRB Memo-Circular kaugnay sa 13 Years Model phase-Out sa UV Express. Ang totoo niyan ay Mekanikal lang na ipinatupad ng LTFRB sa UV Express ang 13 Years Model Phase-Out na nauna nitong ipinatupad sa mga metered taxi,” pagdidiin pa ni San Mateo.

Binigyang-diin ni San Mateo na ang sapilitang pagpapatupad ng LTFRB ng Year-Model Phase-Out simula sa Enero, 2013 ay magdudulot ng malawakang dislokasyon sa kabuhayan ng maliliit na operators at drivers ng UV Express sa buong bansa.

“Bakit kelangang magpatupad ng Sapilitan o Mandatory Year Model Phase-Out samantalang nandyan naman ang LTO Motor Vehicle Inspection na taon-taon sa ating renewal ng rehistro ay iniinspeksyon ang ating mga sasakyan upang siyasatin kung road worthy pa o hindi ang ating mga pampublikong sasakyan,” paliwanag pa ni San Mateo.

Kinastigo din ni San Mateo ang LTFRB sa mapanlinlang na pahayag ng ahensiya na kaya umano ipapatupad nito ang Mandatory year Model Phase-Out ay para umano sa kapakanan ng mga mananakay.

“Para ba sa kapakanan ng mananakay o para talaga sa kapakanan ng mga dambuhalang multinational car companies at kanilang mga ahente sa loob at labas ng gobyerno ? Alam naming matagal nang gigil-na-gigil ang mga multinational car companies at kanilang mga ahente na kumita ng supertubo at malalaking komisyon sa pamamagitan ng maramihang pagbebenta ng mga bagong UV at ito’y matutupad lang kapag magkaroon ng sapilitan o mandatory Year-Model Phase-Out,” ni San Mateo.

Sinabi pa ni San Mateo na walang kabuluhan at pakonswelo-de-bobo lang ang umano’y binagong probisyon ng LTFRB na nagsasabing puwedeng magpalit ng segundo manong UV units ang mga UV Express Operators pero hindi dapat lalagpas ng tatlong taon. (Ibig sabihin kapag magpapalit ay dapat Year Model 2010 pataas).

“Natural mas pipiliin mo nang bumili na lang ng brand new kaysa bumili ng tatlong taong segunda mano dahil halos hindi magkakalayo ang presyo ng brand new at tatlong taong segunda mano,” paliwanag pa ni San Mateo.

Dahil dito, binigyang-diin ni San Mateo na hihilingin nila sa DOTC na ibasura at ipatigil nito ang pagpapatupad ng LTFRB ng sapilitan o mandatory 13 Years Model Phase-Out sa UV Express na nakatakdang ipatupad ng LTFRB simula sa Enero 2013.

Gayunman, nagbabala si San Mateo na kapag hindi sila papakinggan ng DOTC ay handa silang magkasa ng mas malakihan at mas malawakang kilos-protesta kabilang na ang pagsasagawa ng  tigil-pasada.

Aniya, kasabay ng paghahanda para sa mas malakihang kilos protesta ay magasasagawa din sila ng ALL UV EXPRESS SUMMIT upang mas higit pang palawakin at palalimin ang pagkakaisa sa hanay ng mga tsuper at operators ng UV Express bilang paghahanda sa mas maigting na paglaban kontra sa Year Model Phase-Out at sa iba’t iba pang problema ng sektor-transportasyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply