Vending scheme ng MMDA, kasado na

MMDA-logo

WALA ng makakapigil sa  Metropolitan Manila Development Authority na ipatupad ang vending scheme matapos ang pulong ng ahensya at ng mga pinuno ng vendors sa Baclaran para sa panukala ng ahensya upang mapanatili ang kaayusan sa lugar ngayong kapaskuhan.

Bagamat umalma sa una ay nagbigay na rin ang mga vendors sa nais ng MMDA hinggil sa zoning at rotation ng mga vendors upang lumuwag ang mga daanan ng mga nagsisimba at motorista sa bisinidad ng simbahan.

Ipinaliwanag ni MMDA Chairman Francis Tolentino na sa zoning ay ihihiwalay ang mga nagtitinda depende sa kanilang inilalako. Pagsasamahin ang mga nagtitinda ng tsinelas at sapatos samantalang ang mga damit ay nasa ibang lugar . Sa rotation naman ay lilimitahan na lamang sa 300 vendors ang maaaring magtinda sa isang araw at sa susunod ay yaong ibang vendors naman ang bibigyan ng pagkakataon magtinda.

Iisyuhan din ng ahensya ang mga vendors ng ID upang madaling malaman kung sino ang lehitimong vendors sa araw na itinakdang magtinda . Lalagyan din ng harang ang lugar ng mga vendors upang di makasagabal sa trapiko ng mga deboto at masunod ang 300 metrong layo ng mga vendors sa nabanggit na simbahan.

Sinabi ng mga vendors na hindi naman sila ang nakakasikip sa lugar kungdi ang mga dumarayong nagtitinda . Bagamat umalma dahil liliit ang kanilang kita , umayon na rin ang mga ito sa iisang layuning na maging maayos ang Baclaran.

Inilaan naman ng MMDA ang ikapitong araw sa paglilinis ng mga pwesto ng vendors kayat walang pahihintulutang magtinda sa araw na iyon . Magsisimula ang Vending scheme sa Disyembre 15 -Jan.6  bagamat nagpaplano pa rin ang ahensya para sa mas long term na solusyon sa problema ng vendors sa Baclaran.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply