11 sugatan sa ligaw na bala, 71 sa paputok

NAITALA ng southern part ng Metro Manila ang may 11- katao na tinamaan ng ligaw na bala habang 71- naman ang nasugatan sa paputok bago magtapos ang taong 2012.

Isinugod sa Pasay City General Hospital ang anim sa mga tinamaan ng bala na pawang residente ng Pasay city habang isa namang buntis na kinilalang si Lalaine Mangundaya, 36 ng Baclaran, Paranaque City ang isinugod sa San Juan De Dios Hospital nang tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang balikat. Apat naman ang iniulat na tinamaan din ng ligaw ng bala sa Taguig City

Kinilala ni Pasay city police chief Sr. Supt. Rodolfo Llorca ang apat sa anim na mga tinamaan ng ligaw na bala sa lungsod na sina Andrew Chua na may tama ng bala sa paa, security guard na si Melvin Vidal, 29 na may tama ng bala sa kaliwang kamay, Larry Pulvera, 24 na nahagip sa balikat at Jobert Ibanez, 15 na tinamaan naman ng bala sa kanang paa.

Hindi pa nakikilala ang dalawa pa sa mga tinamaan ng bala bagama’t tiniyak na ng mga doctor na pawang nasa ligtas ng kalagayan ang mga biktima, kabilang na rito ang buntis na si Mangundaya.

Iniutos na rin ni Llorca ang pagsasailalim sa ballistic examination sa mga nakuhang bala sa mga biktima upang masuri at malaman kung anong uri ng baril nagmula ang bala. Tiniyak ni Llorca na kung lisensiyado o service firearm ng kapulisan nanggaling ang bala, matutunton nila kung sino ang nagpaputok nito batay sa resulta ng isasagawang examination.

Samantala, batay sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Benito Estipona, karamihan sa mga nasabugan ng iba’t-ibang uri ng paputok ay mula sa ipinagbabawal na piccolo, kabilang na rito ang dalawang taong gulang na batang lalaki habang dalawa rin ang nasabugan ng fountain.

Isa rin sa mga naging biktima ang nasabugan naman ng plapla habang isa ang naging biktima ng paputok na goodbye Philippines.

Sa kabila nito, inihayag ni Estipona na naging matahimik naman sa kabuuan ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa southern part ng Metro Manila at mas mababa aniya ang bilang ng mga nasugatan kumpara noong nakaraang taon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply