13 bagong partylist winalis sa balota

comelec-3

TINANGGAL ng Commission on Elections (Comelec) sa balota ang 13 bagong partylist groups, na una nang naisama sa isinagawang raffle ng poll body para matukoy ang magiging pwesto nito sa opisyal na balotang gagamitin sa May 13 midterm elections.

Kabilang sa mga bagong partylist group na pansamantalang inalis ng Comelec ay ang mga sumusunod:
– (16) Ako An Bisaya (AAB)
– (24) Alagad ng Sining (ASIN)
– (34) Alab ng Mamahayag (ALAM)
– (36) Association of Guard, Utility Helper, Aider, Rider, Driver/Domestic Helper, Janitor, Agent and Nanny of the Philippines Inc. (GUARDJAN)
– (41) Abyan Ilonggo (ABYAN ILONGGO)
– (45) Alliance of Organizations, Networks and Associations of the Philippines (ALONA)
– (47) Partido ng Bayan and Bida (PBB)
– (63) Pilipinas para sa Pinoy (PPP)
– (69) Alliance Advocating Autonomy Party (1AAP);
– (80) Kalikasan (KALIKASAN)
– (83) Akbay Kalusugan (AKIN)
– (101) Manila Teachers Savings and Loans Association (MANILA TEACHERS)
– (102) Association of Local Athletics, Entrepreneurs and Hobbyists (ALA-EH).

Ang mga naturang grupo ay una nang diniskuwalipika ng Comelec sa eleksiyon ngunit nakakuha naman ng status quo ante (SQA) order mula sa Korte Suprema, bagamat hindi rin sila naisyuhan ng mandatory injunction ng mataas na hukuman.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., ang mga naturang grupo ay aksidenteng naisama sa isinagawang raffle para sa ballot slot noong Enero 4 dahil kasama sila sa listahan ng mga grupo na nakakuha ng reprieve mula sa Supreme Court.

Ngunit matapos ang pagpupulong ng mga Comelec official hinggil sa isyu nitong Lunes ay nagpasya na lamang silang alisin ang mga ito sa balota.

Sinabi ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento na nagdesisyon silang pansamantalang alisin ang mga naturang grupo sa balota at isasama lamang ito kung makakakuha sila ng mandatory injunction bago ang Enero 10, ang petsa kung kailan nakatakdang isagawa ang configuration sa mga balota.

Ipinaliwanag ni Sarmiento, na kailangang bukod sa SQA ay may hawak ring mandatory injunction ang mga bagong partylist group na hindi accredited bago payagang makalahok sa halalan.

“Based on our initial resolution (Resolution No. 9591), it is a must that the new party-list groups that were not accredited should get not only an SQA but a mandatory injunction,” paliwanag pa ni Sarmiento.

Nilinaw naman ni Sarmiento na walang adjustment na magaganap pagdating sa sequencing sa balota at sa halip ay ide-delete lamang ng poll body ang mga slot na nakuha ng mga na-exclude na grupo.

Nangangahulugan aniya ito na mananatili ang mga partylist group sa ballot slot na una nang ibinigay sa kanila ng Comelec.

“Our decision is that these slots will remain vacant. So para maiwasan yung tinatawag na bungi na may bakante… The sequencing will not be 1,2 3, 4,5… Mawawala na po ‘yun,” paliwanag pa ni Sarmiento.

Tiniyak naman ni Sarmiento na isasama nila sa isasagawang voters’ education ang tungkol sa naturang sequencing sa balota upang hindi ito maging sanhi ng kalituhan sa mga botante.

Sa kabuuan ay 136 partylist groups ang lumahok sa kauna-unahang raffle na isinagawa ng Comelec.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply