15,750 aso at pusa nabakunahan nang libre sa Caloocan

DAHIL sa layunin ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na maiiwas ang mga residente na makagat ng mga galang alagang hayop na may rabies ay umabot sa 15,750 mga aso at pusa ang nabigyan ng libreng bakuna nitong nakalipas na taon.

Base sa ulat na isinumite ng City Veterinary Office (CVO) ng Caloocan City Hall sa tanggapan ni Echiverri, simula Enero hanggang Disyembre 2012 ay umabot sa nasabing bilang ang mga aso at pusa na nabigyan ng libreng anti-rabies.

Ayon kay Echiverri, sa pamamagitan nito ay maiiwasan na mapunta sa mga residente ang rabies mula sa mga galang aso at pusa na kadalasang nagiging dahilan upang manganib ang buhay ng sinumang nakakagat ng kanilang mga alagang hayop.

Naging madali rin sa mga tauhan ng CVO na makapagbigay ng serbisyo dahil sa pakikipagtulungan ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri na siyang nakikipag-ugnayan sa mga barangay officials para bigyan ng impormasyon ang kanilang mga nasasakupan sa libreng anti-rabies campaign.

Bukod dito, umabot din sa 398 residente ang nabigyan ng libreng konsultasyon para sa kanilang mga alaga na layunin namang mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga paboritong inaalagaang hayop sa bahay.

Kinilala rin ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang animal pound ng Lungsod ng Caloocan bilang isa sa pinakamalinis na tirahan ng mga aso at pusang na-impound kung saan ay umabot na sa 1,031 hayop ang nasa pangangalaga ng mga ito simula nang buksan ito noong 2009.

Sa pamamagitan ng animal pound ng Caloocan City ay tinitiyak ng mga beterenaryo at mga tagapag-alaga na nasa maayos na kalusugan ang mga na-impound na hayop base na rin sa ipinag-uutos ng Animal Welfare Act.

Kasabay nito, hinikayat pa ni Mayor Echiverri ang mga residenteng may alagang hayop sa kanilang bahay na magtungo sa tanggapan ng CVO upang makakuha ng libreng bakuna para sa kanilang mga alagang aso at pusa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply