5 taon ng CCT, tama na – Kadamay

poor-family

TAMA na umano ang limang taong programa ng Conditional Cash Transfer ng gubyerno, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay.

Ito ang pahayag ng mga maralita sa kanilang ginawang pagkilos ngayong umaga sa opisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa dole-out program ng gubyerno para sa pinakamahihirap na Pilipino.

Matapos magmartsa mula Litex cor Commonwealth Ave patungong compound ng DSWD sa Batasan, Quezon City, naghatid ang mga lider ng Kadamay ng isang pormal na imbitasyon para sa isang public debate si Secretary Dinky Soliman kaugnay umano sa inabot ng programang CCT sa lumipas na limang taon.

Ayon pa sa grupo, nakakapanghinayang ang aabot sa P120B pondo ng taumbayan na ginagastos ng gubyerno para sa CCT simula ng mag-umpisa ang CCT limang taon na ang nakakalipas. Nag-umpisa ang programa noong Enero 2008 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na may inisyal na 304,000 na mga pamilyang benipisyaryo.

Binanggit ni Estrelieta Bagasbas, pambansang pangalawang tagapangulo ng Kadamay, ang pinakahuling survey ng Social Weather Station na nagsasabing mas marami pa ang nagugutom at naghihirap sa kasalukuyan kumpara sa huling dekada. Ayon sa nasabing survey, 3.3 milyong pamilya Pilipino ang nagutom sa huling kwarto ng taong 2012, panahon kung kailan pinakamarami ang bilang ng mga benipisyaryo ng programang CCT ng gubyerno. Katumbas ito ng 16.3% ng populasyon, mas mataas sa 14.5% na average hunger rate sa huling labing-apat na taon.

“”Nagsisilbing gatasang baka ang CCT ng mga pulitiko sa nakaraang limang taon. Sa halip na CCT inilalaan ng gubyerno ang napakalaking bahagi ng pondo ng bansa kada-taon, mainam na sa mga tunay na kontra-kahirapang programa para sa milyun-milyon nating kababayan,”” ani Bagasbas.

Dapat sa implementasyon ng reporma sa lupa at sa pagsisimula ng mga batayang industriya na lilikha ng trabaho na lamang umano inilaan ng gubyerno ang kabuuang halaga na P120B pondo ng CCT sa huling 5 taon kabilang na ang P44.2B para sa taong 2013.

Wag gamitin sa eleksyon

Kinondena rin ng grupo ang napabalitang paglalaan ng halagang P10.5M mula sa pondo ng CCT na para sa anti-epal campaign ng administrasyong Aquino.

Ayon kay Bagasbas, umpisa pa lang ito ng posibleng paggamit ng P44.2B pondo ng CCT para sa darating na kampanyang electoral. Kaugnay nito binalaan ng mga maralita si DSWD Sec. Dinky Soliman na wag subukang pondohan mula sa budget ng ahensiya ang mga aktibidad ng mga tumatakbong pulitiko lalo na ang mga nakahanay sa Liberal Party ni Pangulong Aquino.

Sa mga nakaraang eleksyon, napabalitaang nagbayad ang DWSD ng talente fee ng isang sikat na artista bilang talent fee sa pagkanta niya sa isang political sortie ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa DSWD, bago matapos ang taong 2012, inasahang 3 milyong maralitang pamilya ang magiging benipisasryo ng CCT sa ilalim ng administrasyong Aquino.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply