60 katao huli sa pagtagay sa kalsada

alcohol-ban

NAGING epektibo ang ipinatutupad na liquor ban sa Caloocan City na nagbabawal sa mga residente na uminom ng anumang nakalalasing na inumin sa kalsada kung saan ay animnapung (60) katao ang nahuling lumabag sa ipinaiiral na ordinansa sa naturang lungsod simula noong October  hanggang December ng nakalipas na taon.

Base sa ulat isinumite sa tanggapan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri mula kay Chief of Police, Sr. Supt. Rimas Calixto, simula noong October hanggang December ay 60 katao ang nakasuhan ng paglabag sa ordinance no 0937 series of 2005 na nagbabawal sa pag-inom ng anumang nakalalasing na inumin sa kalsada sa buong lungsod.

Ang mga nahuling residente na umiinom sa kalsada ay kinasuhan ng pulisya sa piskalya ng Caloocan City kung saan ay bukod sa pagmumulta ay makukulong pa ang mga ito ng dalawa hanggang isang taon depende sa magiging desisyon ng korte.

Ayon pa sa lokal na pulisya, umabot sa 60 katao ang kanilang nahuli dahil na rin sa epektibong pagpapatupad ng naturang ordinansa na naglalayong malimitahan ang mga nangyayaring gulo sa mga kalsada dahil sa pagkalango sa alak ng mga residente.

Papayagan lamang ang mga residente na uminom sa kalye sa mga espesyal na okasyon tulad ng birthday, baptismal, wedding, wedding anniversary, pasko, bagong taon at iba pa ngunit kinakailangan pa ring kumuha ng permiso ang mga ito sa barangay na nakakasakop sa kanilang lugar isang linggo bago ganapin ang pagdiriwang.

Bukod dito, mahigpit ding ipinagbabawal ng nasabing ordinansa ang pagbebenta ng anumang klase ng inuming nakalalasing sa mga menor de edad at ang sinumang mahuhuling tindahan na lalabag dito ay maaari ding maharap sa parehas na parusa.

Sinabi pa ni Echiverri na ang mahigpit na pagpapatupad sa naturang ordinansa ay para na rin sa kapakanan ng mga residente upang mailayo ang mga ito sa anumang kaguluhan lalo na kapag nalalasing na ang mga ito sa pag-inom ng alak.

“Dahil sa pagpapatupad natin ng ordinansang ito ay nabawasan ang mga nagaganap na away sa mga lansangan at humihingi din ako ng pabor sa ating mga kababayan na sumunod sa batas na ito upang hindi sila magkaroon ng kaso”, sabi pa ni Echiverri.

Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Liga ng mga  Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa mga opisyal ng barangay sa buong lungsod dahil sa epektibong pagpapatupad ng mga ito sa nabanggit na ordinansa kasabay ng pagpapaalala nito sa mga residente na patuloy na sundin ang ipinatutupad na pagbabawal ng pag-inom ng alak sa mga kalsada.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply