8,000 urban gardening kits ipinamahagi ni Marikina Mayor Del de Guzman

urban-kit

BILANG bahagi ng pangangalaga sa kapaligiran, hinihikayat ni Mayor Del De Guzman ang lahat ng Marikenyo na magtanim ng halaman lalo na ng gulay sa kani-kanilang mga bakuran.

Kaugnay nito, namigay ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng City Environmental Management Office (CEMO) ng 8,000 urban gardening kits sa katatapos lamang na State of the City Address (SOCA) ni De Guzman na ginanap sa Marikina Sports Park.

Naglalaman ang nasabing mga kit ng paso ng lupa (garden soil); compost fertilizer; at ilang buto ng kamatis na magagamit ng mga residente bilang simula ng kanilang pagtatanim.

Nauna na rito, ipinasa ng 6th City Council ang Resolusyon Bilang 52, Serye ng 2012, na naglalayong hikayatin ang bawat pamilya sa lungsod na magtanim ng iba’t ibang gulay na maaaring kainin ng mga miyembro ng pamilya.

“Ang pagtatanim ay malaking tulong upang makatipid dahil hindi lamang maaaring ilahok sa pagkain ang mga gulay na aanihin, kung hindi maaari ring magkaroon ng dagdag na mapagkakakitaan ang bawat pamilya kung kanilang ibebenta ang mga ani,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Samantala, ipinapayo naman ng CEMO na bukod sa paso, maaari ring gumamit ng alternatibong taniman tulad ng lata ng gatas na walang laman o plastik na sisidlan o bote ng soda o soft drinks. Bukod sa napapakinabangan ang mga patapong bagay na ito ay nakakatulong pa sa pagbabawas ng mga basura.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply