Abuloy sa patay ibinulsa ng bebot na parak

KALABOSO ang inabot ng isang babaeng pulis Maynila matapos ireklamo na nagbulsa ng abuloy at taya ng mga naglalamay sa Sta Cruz, Maynila.

Iprinisinta kanina kay Manila Mayor Alfredo Lim ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Alex Gutierrez ang suspek na si PO1 Roestrell Mijares Ocampo, 30 at nakatalaga sa MPD-Police Station 4.

Si Ocampo ay inginuso nina Macky Villanueva, 22; Mauricio Arciaga at Jonathan Hernandez, pawang residente ng Tambunting, Sta Cruz, Maynila na siyang tumangay sa P3,800 na abuloy sa patay at P13,000 na taya ng mga naglalamay.

Sa report, naganap ang insidente sa pagitan ng 9:30 hanggang 10:00 ng gabi noong Sabado sa barangay hall sa nasabing lugar kung saan nakabaurol ang isang Mauricio Arciaga at Joey Encarmoso.

Batay sa reklamo, ang mga naglalamay ay nagka-cara y cruz nang dumating si Ocampo
at dalawang hindi nakilalang kasama. Sinita ng suspek ang mga nagsusugal at saka dinampot ang perang abuloy at taya bago umalis.

Mariin naman itinanggi ni Ocampo ang akusasyon laban sa kanya at sinabi nito na napadaan lamang siya sa nasabing lamayan dahil tagaroon din siya.

Sinabi pa ni Ocampo na gumaganti lamang ang mga nagrereklamo sa kanya dahil nahuli na niya ang mga ito noong nakalipas na taon dahil sa pagsusugal.

Iniutos naman ni Lim na imbestigasyon ang insidente at kung napatunayan na nangongotong ang suspek ay sususpendihin at sisibakin sa serbisyo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply