Acto Partylist dumulog sa SC

supreme-court

PORMAL nang dumulog ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa Korte Suprema para kwestiyunin ang desisyon ng Commission on Elections na nagdidiskwalipika sa kanila para makalahok sa 2013 partylist elections.

Sa 26-pahinang petition for certiorari, iginiit ng grupo na nagkaroon ng pag-abuso sa kapangyarihan ang Comelec En Banc nang isantabi nito ang resolusyon ng Second Division na nauna nang pumabor sa kanilang accreditation.

Nalabag umano ng Comelec ang kanilang karapatan sa due process at equal protection of the laws na ginagarantiyahan ng Konstitusyon nang hindi magpadala ang Komisyon ng abiso at hindi rin magsagawa ng pagdinig kaugnay sa mga batayan nito para mabasura ang kanilang hinihinging accreditation.

Nauna nang nakalahok ang ACTO sa 2004 partylist elections, pero naalis ito sa listahan noong 2010 elections dahil sa kabiguan na makatakbo noong 2007 elections at sa kabiguan na makakuha ng dalawang porsyento ng mga boto noong 2004 elections.

Kaugnay nito, hiniling ng ACTO na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order, writ of preliminary mandatory injunction at writ of certiorari kontra sa desisyon ng Comelec En Banc.

Ayon sa grupo, kinakailangan na agad mapigilan ang pagpapatupad ng nasabing desisyon lalo pa’t nakatakda nang iimprenta sa Enero 20 ang mga balota.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply