‘Alaga’ sa mga resettlement area sa Marikina bawal na

stray-dogss

MULING ipinaalaala ni Mayor Del De Guzman sa lahat ng mga mamamayan ang pagbabawal sa pag-aalaga ng hayop sa mga resettlement area o mataong komunidad sa lungsod.

Ito ay bunsod ng ilang reklamong nakaabot sa kanyang tanggapan mula sa mga may-ari ng aso na nahuli sa mga resettlement area ng Marikina.

Ang pagbabawal ay nakasaad sa ipinasang Ordinansa Bilang 13, Serye ng 1997 o Ordinansa na nagbabawal sa pag-aalaga ng hayop sa mga dahop na pamayanan at sa mga inihayag na “Resettlement Sites” ng pamahalaang lungsod ng Marikina.

Ang mga mahuhuling lumalabag sa ordinansang ito ay papatawan ng  multang PhP500 at pagkumpiska o pagkuha sa kanilang alagang hayop.

“Ang pag-aalaga ng hayop sa mga mataong lugar tulad ng resettlement area ay talagang ipinagbabawal sapagkat isinasaalang-alang nito ang kalusugan ng mga mamamayang nakatira rito. Ang sukat ng bawat bahay sa ating mataong komunidad ay 24 sq. meters lamang kaya kung magpapatuloy ang pag-aalaga roon ng hayop ay may nakabantang peligro sa mga mamamayan doon sa napakaraming dahilan. Una na rito ay ang peligro sa kalusugan dulot ng dumi ng hayop na posibleng makunan ng mikrobyo at sakit; ikalawa ang peligro kung sakaling mayroong makagat na kapitbahay o dumadaan; at dahil dikit-dikit ang mga bahay, hindi maiiwasan ang perwisyo sa mga kapitbahay kung mag-iingay ang mga hayop lalo na sa dis-oras ng gabi,” paliwanag ni Mayor Del De Guzman.

Maliban sa pagbabawal ng pag-aalaga ng mga hayop sa mataong komunidad, isinusulong din sa lungsod ang responsableng pagmamay-ari ng mga hayop (responsible pet ownership) kung kaya mayroong mga ordinansang sumusuporta sa adbokasiyang ito.

Ayon sa Ordinansa Bilang 62, Serye ng 2007 o kilala bilang Marikina Veterinary Code, Article 3 section 32 ang lahat ng may-ari ng aso ay kinakailangang pabakunahan ang kanilang mga alaga pangontra sa rabies kada anim na buwan. Ang mga mahuhuling lalabag ay papatawan ng multang PhP2,000 at pag-impound sa kanilang alagang hayop.

Ang mga alaga namang hinahayaan lamang na gumala-gala sa mga pambublikong lugar, kalye o plaza ay ipinagbabawal din (ayon sa Ordinansa Bilang 7, Serye ng 1956 na naamyemdahan ng Ordinansa bilang 129 Serye ng 1993).

“Hinihiling ko ang pang-unawa ng lahat ng mga mamamayan ng lungsod hinggil sa ating mga batas sapagkat ang mga ito ay nilikha para sa kapakanan ng higit na nakararami at hindi para lamang sa interes ng iilan,” dagdag pa ni De Guzman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply