AMADEO MAYOR UTAK NG SUGAL AT ANG SHOOTOUT/RUBOUT

burdado- jun briones

SALAMAT naman at nagbago ang ihip ng hangin sa Malakanyang ukol sa shootout/rubout sa Atimonan, Quezon.

Nagsayang lang ng laway itong si Abigail Valte sa pagtatanggol sa mga nag-checkpoint sa dahilang naunang nagpaputok daw ang mga napatay kaya sila niratrat.

Sabagay hindi natin masisisi si Valte dahil ‘yung sinabi niya ay ipinalamon sa kanya ng mga pulis na sangkot sa pagpatay.

Inorderan ni Pangulong Noynoy Aquino ang National Bureau of Investigation na siyang magsagawa ng imbestigasyon at ginawa nitong hands-off ang Philippine National Police.

Sino nga naman ang loko-lokong Pangulo na ipagkakatiwala sa mga pulis ang malalimang imbestigasyon sa kaso kung iisa ang drama nila?

Ang daming nakasusukang alingasngas na naganap, parekoy, sa checkpoint con massacre.

Una, inubos at walang itinirang buhay sa mga biktima. Dead man tells no tale, ika nga.

Ikalawa, tahimik lang ang mga pulis ukol sa malaking halaga na nakuha nila sa dalawang maleta at napilitan silang tumuga ukol sa pera nang ibuking sila ng nakaaalam na may dala-dalang milyones ang mga napatay. Pero daang libo lang ang dineklara nila.

Ikatlo, ‘yung ilang sangkot na pulis sa pagpatay ay kabalikat umano ng  bigtime gambling lord na kalaban ng isa sa mga napatay.

Ikaapat, walang malinaw na “intelligence report” kuno na gun for hire ang mga biktima at kinailangan silang ubusin lahat. Pwe!

Kailangang malinawan ang lahat ng ito ng NBI at sana’y maging tunay na independent ito at hindi maging tuta ng kung sino-sinong may interes sa kaso.

-o0o-

NOONG Sabado Enero 5 ay kitang-kita ng mga taga-Amadeo, Cavite na naging pasimuno sa isang tupada sa Barangay Uno itong si Mayor Benjo Villanueva.

May kahalong depensa naman ang nagsumbong sa atin na kesyo dumalo lang daw si Yorme pero iba talaga ang pasimuno nito.

Pero ito ang tandaan mo, Mayor Benjo, sa nasabing iligal na okasyon ay ikaw ang may pinakamataas ang posisyon na dapat sana ay ikaw ang sasaway. Pero dahil sa iyong pagdalo, ibig sabihin ay kumporme ka! Kaya kahit sino ang nag-organisa noon dahil dinaluhan mo, technically ay ikaw ang pasimuno!

Mayor Benjo, umaangal na ang mga taga-Amadeo dahil pati saklang patay ay hindi maka-operate kung hindi kamag-anak Inc. ang hahawak!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply