Ang nakalipas ay prologo

trending ngayon

MATATAGPUAN sa National Archives Building, sa bahagi ng Pennsylvania Avenue sa Washington D.C., ang isang eskultura na dinisenyo ni Robert Aitken at nililok ng Piccirilli Brothers Company.

Ang eskulturang “The Future” ay imahen ng isang babae na may hawak na nakabukas na libro at nakatingin sa panahong hinaharap. Nakaukit sa pinakaibaba ng likhang-sining ang linyang “What is Past is Prologue” na nagmula sa dulang “The Tempest” ni William Shakespeare.

Ang ibig sabihin lamang ng parirala o kasabihan ay may malaking impluwensiya ang kasaysayan sa kasalukuyan at isinasakonteksto ng mga nangyari sa nakaraan ang mga magaganap sa hinaharap.

Noong 2008, umani ng mga batikos ang vice presidential candidate ng Democratic Party na si Senator Joe Biden dahil sa kanyang pagtatampok sa mga negatibong pangyayari sa kanilang bansa.

Bilang depensa sa akusasyon na negatibong tao siya, ginamit ni Senator Biden ang kasabihan sa kanyang pakikipagdebate kay Sarah Palin – ang vice presidential candidate ng Republican Party.

Pinataob ng Democratic Party ang Republican Party sa 2008 United States presidential elections nang makakuha ang kanilang kandidato na si Senator Barack Obama ng 365 electoral votes.

May mga maling pahayag si Biden sa news cycle nang panahong iyon pero nakapuntos nang malaki ang veteran lawmaker sa kanyang linya mula sa sinulat ni Shakespeare at sa mga nakaukit na salita sa pinakaibaba ng isang eskultura sa National Archives Building.

***

Ngayon ay Bagong Taon na, taong 2013 na.

May mga Pinoy na nagpaputok para itaboy ang masasamang pangyayari sa taong 2012.

May mga Pinoy naman na naghain sa mesa ng mga prutas na hugis-bilog at nagsuot ng damit na may disenyong polka dots para mas maging maginhawa ang kanilang buhay sa buong taon.

Nakatutuwa na iyong iba naman na hindi pinalad sa height ay nagtatatalon kasabay ng putukan. Ito ay para sa kagustuhang tumangkad sila.

Para lalo pang tumibay ang kanilang relasyon at samahan, ang mga pamilyang Pinoy ay nagsasalo-salo at itinaon ang reunion sa Bagong Taon.

Parang “What is Past is Prologue,” maraming indibidwal na Pinoy ang magkakaroon ng repleksiyon tungkol sa mga nangyari o kanilang nagawa sa nagdaang taon. Nais nilang iwaksi ang mali at panatilihin ang tama.

Masaganang Bagong Taon sa ating lahat!

***

Para sa mga suhestiyon, reaksiyon, at komento, pumunta sa aking website na www.sonnyangara.com, aking FB account na www.facebook.com/sonnyangara, at aking Twitter account na @sonnyangara.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply