ANG TATLONG HARI

pulso-dens legaspi

KAHAPON ay ipinagdiwang sa bansa ang kapistahan ng Tatlong Hari. Ito ay ang sinasabing hudyat ng pagtatapos ng taunang pagdiriwang ng kapaskuhan saan mang panig ng mundo.

Ito ay ang araw na kung saan ginugunita ang pagbisita ng tatlong hari na sina Haring Melchor, Gaspar at Balthazar sa sanggol na si Hesukristo sa isang sabsaban sa Herusalem.

Upang hindi matanto ng mga tauhan ni Haring Herod, ibang ruta na ang dinaanan ng naturang tatlong hari sa kanilang pagbabalik, alinsunod na rin sa payo ng isang anghel na nagpakita sa kanila.

Umaasa tayo na sa buong taon, maipagpapatuloy ng bawat Pilipino ang diwa ng Pasko at maisasabuhay ng bawat isa sa atin ang mensahe ng pagmamahalan, kapayapaan at pagkakaisa.

*****

Usaping tatlong hari pa din. Makuha kayang tumalikod na at tuluyang kumalas mula sa administrasyon ng tinaguriang ‘tatlong hari’ ng United Nationalist Alliance (UNA) na sina dating Pangulong Joseph Estrada, Bise-Presidente Jejomar Binay, at Senate President Juan Ponce Enrile.

Ngayong ilang buwan na lamang bago idaos ang mid-term elections, marami ang nag-aabang sa mga susunod na hakbangin ng tatlong lider na ito ng oposisyon lalo na’t tahasan nilang binatikos ang pagsuspinde ng Malakanyang kay Gov. Gwen Garcia ng Cebu na magpa hanggang ngayon ay ayaw pa rin bumaba sa kaniyang puwesto.

Noong nakaraang buwan, akalain mong personal na pinuntahan pa ng tatlo si Garcia sa kapitolyo upang ipahayag ang kanilang suporta sa gobernadora at tuligsain ang anilang ‘pagmamalupit’ at ‘panggigipit’ ng kasalukuyang administrasyon sa mga pambato ng oposisyon sa darating na halalan.

****

Matatandaang ang anak ni Estrada na si Senador Jinggoy ay naninilbihan bilang Senate President Pro-Tempore sa Mataas na Kapulungan. Siya ay itinuturing na kabilang sa mga malapit na kaalyado ng administrasyon sa loob ng Senado.

Si Binay naman ay hinirang ng Palasyo  bilang chairman ng Housing Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na siyang pangunahing nangangasiwa sa mga programang pabahay ng pamahalaan. Marami ang nagsasabing ito ang dahilan ng kanyang mataas na awareness ratings sa publiko simula ng ito ay makapaglibot sa iba’t ibang panig ng bansa.

Si Binay din ay itinalaga bilang Presidential Adviser for OFW Concerns ng Pangulong Aquino.

Samantalang si Enrile, ay suportado ng mayorya sa Senado, kabilang na ng mga kilalang malapit na kaibigan at kapartido ng pangulo.

****

Tututukan at aabangan natin ang susunod na mga kabanata hinggil sa isyung ito mga katoto.

****

Bukas po ang inyong lingkod sa anumang hinaing, reklamo o komento. Maaaring mag-email lamang sa pulsonyo@gmail.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply