Ang tunay na kagandahan

PASAPORTE-BY-JR-LANGIT

SA loob ng tatlong magkakasunod na taon ay kinilala at nagningning ang kagandahan ng mga Filipina sa buong mundo.

Venus Raj, Shamcey Supsup at Janine Marie Tugonon, ilan lamang sila sa mga Filipinang tiningala at hinangaan ng mundo sa kanilang pagsali sa beauty contest na kung tawagin ay Miss Universe. Nariyan pa ang Pinay na nag-uwi ng titulong, Miss Tourism International 2012 na si Rizzini Gomez. Sila ang mga patunay na hindi lang mga likas na yaman at magagandang tanawin ang maaari nating ipagmalaki at bagkus ay kaya rin nating makipagsabayan pagdating sa mga patimpalak na may kinalaman sa kagandahan.

Lingid sa kaalaman ng lahat, mayroon pang ibang Pinay na kahit sa ibang bansa naninirahan at nakabase ay nagagawang iangat ang pangalan ng bansang Pilipinas pagdating  sa  kategoryang ito.

Sa Hawaii ay nakilala ko si Liana Green, isang Pinay beauty queen doon. Masasabing tila ‘ganda ang pamana’ ng mga ninuno ni Liana sa kanilang pamilya, sapagkat hindi lang siya kundi maging ang kanyang ina at tiyahin ay nakamit din ang korona at titulong kanyang nakuha mula sa mga contest na kanyang sinalihan.

Ayon kay Liana, bata pa lang siya ay pangarap na niyang maging isang beauty queen, sapagkat ang kanyang inang si Estelle Green ay minsang kinoronahan bilang Ms. Hawaii Filipina, hanggang sa maging isa itong commercial model at hula dancer.

Bukod pa sa kanyang ina, isa pang inspirasyon niya ang kanyang tiya na isa ring beauty queen.

Dahil dito, nag-uumapaw ang suportang kanyang nakuha mula sa pamilya, lalong lalo na sa kanyang ina, nang itanghal siya bilang Ms. Oahu at maging kalahok sa Miss Hawaii Teen USA, na ginanap sa Orlando, Florida.

“She did so much for me and helped me with my walking, she made my dress, she did my hair, she brought my costume, she helped me in the on-stage question. She has a big part in everything, so supportive in all I do and all my goals in life.” Wika niya.

Kaya naman, nang itanghal siya bilang 1st runner-up sa Ms. Teen USA at makuha ang titulong Miss Photogenic at Miss Congeniality, abot-abot ang tuwa hindi lamang niya kundi ng kanilang buong pamilya.

Halos hindi makapaniwala si Liana na ang tagumpay na minsan niyang pinangarap ay nakamit na niya.

Sa kabila ng kanyang naabot at narating patuloy na nangarap at nagsumikap si Liana.
Naniniwala siyang ang pagtitiyaga, pagsisikap at pagtitiwala sa sarili niyang kakayahan ang patuloy na magiging susi sa pag-abot ng iba pa niyang naisin sa buhay.

Tunay na maituturing na malaking biyaya mula sa Maykapal ang pagkakaroon ng magandang mukha, subalit huwag nating kalilimutan na ang tunay na kagandahan ay nagmumula at nag-uugat sa pagkakaroon ng maganda at mabuting kalooban na siyang higit na mahalaga kaysa panlabas na kaanyuan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply