‘Asukal Mo, Sagot Ko’ handog para sa mga Marikenyo

INAANYAYAHAN ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng City Health Office (CHO) ang mga Marikenyo, lalo na ang mga dumaranas ng sakit na diabetes na makiisa at dumalo sa isasagawang programa upang labanan ang sakit na ito sa Huwebes, ika-24 ng Enero sa ganap na ika-5:30 ng umaga sa ikatlong palapag ng Marikina Healthy City Center.

Pinamagatang “Asukal Mo, Sagot Ko”, layunin ng proyekto na matulungan ang mga residente ng lungsod lalo na ang mga walang sapat na kakayahang magpasuri upang malaman ang mga impormasyon hinggil sa diabetes at matukoy kung sila ay diabetic o hindi.

Ang unang 100 katao na magpapatala ay mabibigyan ng libreng Fasting Blood Sugar o FBS test na isasagawa lamang sa mga taong sumailalim sa fasting o hindi kumain sa nakalipas na walong oras. Dagdag pa rito, isasagawa rin ang diet counseling at diabetes forum sa pangunguna ng mga eksperto sa CHO.

Ang programa ay itinataguyod ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng CHO, Lions Club International, at Marikina Subsidized Diabetic Center.

“Imbitado po ang lahat na dumalo at makinabang sa ating proyekto upang kanilang malaman ang mga impormasyon hinggil sa diabetes at masugpo ito,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Bukod sa nasabing aktibidad, ang CHO ay magdadaos ng Diabetic Day tuwing Huwebes kung kailan ipagkakaloob ang libreng konsultasyon at diskwento sa FBS para sa mga pasyenteng may diabetes.

Para sa iba pang impormasyon hinggil sa aktibidad na “Asukal Mo, Sagot Ko”, maaaring bumisita sa Marikina Healthy City Center sa Brgy. Sto. Niño, Marikina City.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply