Babala, pagbabanta’t pananakot, iwasan sa Nazareno Feast – Obispo

oscar-cruz

NANAWAGAN ang isang arsobispo ng Simbahang Katoliko sa pamahalaan na iwasan na ang magbigay ng anumang pahayag hinggil sa pagkakaroon ng bomb threat o anumang pananakot at pagbabanta sa kapistahan ng Mahal na Poong Itim na Nazareno bukas, Enero 9.

Ang panawagan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ay kasunod nang pag-aanunsiyo mismo ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na may bomb threat sa pista ng Nazareno noong nakaraang taon, ngunit masuwerteng hindi naman ito nagkatotoo.

Ayon sa arsobispo, maling-mali na noong nakaraang taon ay mismong Presidente pa ng bansa ang naghayag na may bomb threat sa kapistahan ng Nazareno.

Aniya, dapat sana’y inilihim na lang ang naturang intelligence report upang hindi naghatid ng takot sa mga mamamayan at saka ginawaan ng paraan ng mga awtoridad kung paano matitiyak ang kaligtasan ng mga deboto.

Kaugnay nito, nagpahayag rin nang pagtutol ang arsobispo sa hakbang ng mga awtoridad na tanggalin ang cellphone signals sa mga daraanan ng Nazareno dahil mahalaga aniya ang komunikasyon sa mga ganitong pagkakataon.

“Noong nakaraang taon, ginulo yan ng Pangulo at sinabi na may bomb threat. May mga tao na gustong mamatay ng kapwa etc. At pagkatapos ay pinapatay lahat ng mga line ng cellphone. Mismong Pangulo yan naghayag. Noon pa tinatanong ko na, kung may bomb threat? Bakit di mo hanapin? At kung mayroon na armed terrorist na ganun bakit di mo hanapin? Bakit ilaladlad mo sa buong mundo? Precisely, you should keep that confidential so that you can trace it out,” ayon pa kay Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Samantala, naniniwala naman si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na ang kahirapan at kawalan ng karamay sa mga problema sa buhay ang pangunahing dahilan kung bakit taun-taon ay maraming mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ang dumadalo at nakikiisa sa kanyang kapistahan.

Ayon kay Bacani, dahil sa hirap ng buhay, tanging Nazareno na lamang ang pag-asa ng mga Pinoy para matulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na problema.
Naniniwala rin ang Obispo na talagang dinidinig at tinutugunan ng itim na Nazareno ang kahilingan ng mga tao kung kaya’t lalong dumarami ang namamanata sa kanyang kapistahan.

“Dalawang bagay yan. Una, marami talagang tao ang hirap at naghahanap sila ng karamay sa kanilang kahirapan. At nakikita nila sa Hesus Nazareno na talagang Diyos na nagkatawang tao at naghirap na kasama nila. Yun ang isa,” ani Bacani. “Ikalawa, talagang natutugunan ang kahilingan ng marami! I think that’s the reason kung bakit lalo dumadami ang bilang ng mga deboto ng Hesus Nazareno,” aniya pa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply