BAGONG BANTA NG BIRD FLU

bobby-ricohermoso

ISANG mahalaga subalit nakagagambalang balita ang pumutok nitong nakaraang linggo, na gaya nang dati ay hindi na naman nabigyang-pansin ng ating mga opisyal at maging ng mga pangkaraniwang mga mamamayan.

Iniulat kasi ng pamahalaan ng Cambodia na tatlong bagong kaso ng kinatatakutang bird  flu ang kumitil sa buhay ng dalawang tao sa nasabing bansa sa unang tatlong linggo ng taong ito.

Kabilang sa mga biktima ang isang kinse anyos na batang babae mula sa lalawigan ng Takeo, isang 35 anyos na lalaki mula sa Kampong, Speu at isang walong buwang bata mula sa kabisera ng Pnom Penh na naagapang magamot kaya nakaligtas.

Nakaaalarma ang balita sapagkat una nang inakala ng World Health Organization (WHO) na nasugpo na ang nasabing H5N1 virus.

Pero lumalabas ngayon na aktibo pa rin pala ito at base sa mga unang pag-aaral ay nagawa na nitong mag-mutate o mag-ibang anyo at tila mas mabilis na rin ang pagsalin nito mula sa mga ibon patungo sa tao.

Kapag tao na kasi ang nahawahan ng virus ay mabilis na niya itong maisasalin sa iba at maikakalat sa ibat ibang lugar dahil sa makabagong uri ng mga transportasyon gaya ng eroplano.

Unang nakilala at nagkalat ng lagim ang bird flu noong 2003 nang kumitil ito ng hindi bababa sa 360 tao sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hindi naman maiwasan ang pagdududa na mukhang ginagamit din ang virus na ito bilang isang eksperimento para sa isang bagong uri ng armas para sa digmaan.

Sa mga hindi pa nakaaalam, isang ulat ang lumabas noong isang taon hinggil sa pagkakatuklas ng mga scientist mula sa US at The Netherlands ng paraan para mas mabilis na maipakalat ang nasabing virus.

Sa madaling salita, sa halip na hanapin ang solusyon para mapigil ang pagkalat ng virus, lumalabas na ang pagpapakalat nito ang inatupag ng mga scientist.

Malaki kasi ang potensyal ng virus na magamit bilang isang armas sa isang non-conventional warfare kaya dapat lang tayong mangamba na baka ineeksperimento na ang virus na ito.

Sa kamay ng mga responsableng mga tao at gobyerno ay maaari nga na maging mabuting sandata ito, pero paano kung makuha ng mga terorista at mga militante ang nasabing teknolohiya?

Sa huli, sana ay huwag balewalain ng mga health authority sa bansa ang mga kaganapang ito at paghandaan nila ang mga bantang dulot nito.

After all, higit namang importante ito keysa sa mala- iskwater na bangayan ng mga senador sa pinag-aagawan nilang pera ng taumbayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply