Bagong pinuno ng SPD, nagsimula nang manungkulan

spd2

NAGSIMULA nang manungkulan bilang bagong pinuno ng Southern Police District (SPD) si Chief Supt. Jose Erwin “Jet” Villacorte sa isang simpleng seremonya kanina sa headquarters ng SPD sa Taguig City.

Si Villacorte ang pumalit sa binakanteng puwesto ni Chief Supt. Benito Estipona na inilipat bilang bagong pinuno ng Region 4-A o Calabarzon Region kapalit naman ng nasibak na si Chief Supt. James Melad.

Sa huling pananalita ni Estipona sa mga nagsidalong hepe ng pulisya ng anim na lungsod at isang bayan na sakop ng SPD, malaki ang kanyang tiwala sa kakayahan ni Villacorte na dating directorate for personnel sa Camp Crame kaya’t hiniling niya na ibigay ng mga chief of police ang kanilang suporta tulad ng ipinagkaloob ng mga ito sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Kumpiyansa rin si Estipona kay Villacorte dahil sa pagiging bihasa nito sa iba’t-ibang uri ng trabaho sa pulisya kaya’t malaki ang kanyang paniniwala na ipagpapatuloy nito ang kanyang mga nasimulang programa.

Dagdag pa ni Estipona, bagama’t higit na malaking hamon ngayon sa kanyang panunungkulan ang bagong posisyon, tiniyak niya na hindi na muling mauulit ang madugong enkuwentro sa Atimonan, Quezon na nagresulta sa pagkamatay ng 13-katao.

Samantala, sa panig naman ni Villacorte, tiniyak din niya na ipagpapatuloy niya ang magagandang programang nasimulan ni Estipona at sisikapin aniya niya na kung hindi man mahigitan ay papantayan niya ang tagumpay ng nakamit ng SPD laban sa kriminalidad.

Hiniling din ni Villacorte ang suporta ng lahat ng mga chief of police sa anim na lungsod at isang bayan sa kanilang kampanya, hindi lamang sa kriminalidad kundi higit sa lahat ay laban sa illegal droga at iba pang aktibidad na labag sa batas tulad ng illegal na sugal, prostitusyon at iba pang mga gawain na hindi naaayon sa batas at nakakasira sa dangal at moralidad ng sambayanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply