Bagong taon ay magbagong buhay

abiso-marikenyo-paul-edward-sison-online

KAY rami na talagang pasaway sa ating lipunan!

Kayo ba, napiperwisyo rin ng mga motorsiklong napakaingay at napakasakit sa tenga na humaharurot sa mga kalye ninyo kahit pa dis-oras ng gabi?

‘Di lamang sadyang nambubulabog, makikita mo na gusto lang talaga nilang mamerwisyo sa kapwa.

At bakit tila walang magawa ang ating batas at mga law enforcer para pigilan ang mga ito?  Ang mga ganitong tao pa naman ang dapat tinuturuan ng leksyon para di na tularan ng karamihan.

Kaso, walang sumusuway sa kanila. Inutil ang batas, inutil ang nagpapatupad ng batas.

Attention LTO chief Virginia Torres at LTO enforcers … what do you intend to do about this?

Parang awa n’yo na, pakiaksyunan naman po itong mga bagong salot sa lipunan. Idamay na rin po ninyo ang mga riding-in-tandem holdaper na napakarami nang nabibiktima at napatay sa buong bansa.

Buti na lang sa Marikina at may pag-asa na masolusyunan ito ng dynamic duo ng aming City Traffic Management and Development Office (CTMDO) – sina Engr. Rommel Felipe at Villamor Legaspi.

Galing sa planning office itong si Felipe kaya malaki ang tiwala ni Mayor Del de Guzman na kaya nilang isipan ng paraan kung paano masusukol at matitigil ang ganitong masamang gawain ng mga taong nagmo-motor na walang pakundangan sa kapwa.

Sa amin sa Twinville, Concepcion Uno, ilang taon nang umiiral itong nakaiiritang sitwasyon.

Humihingi ng saklolo ang mga residente ng Twinville sa city hall at sa LTO para mapagtuunan ng pansin at aksyunan na ito para matigil na ito sa wakas.

Ang nakalulungkot ay ang umiiral na mentalidad ng mga pasaway na kapag nasakote ay ipagsisigawan na “malakas kami sa munisipyo!”

Napakarami nang pagkakataon na ito ang bitaw at bukambibig ng mga pasaway kapag sila ay sinisita o hinuhuli sa kanilang masamang gawain – “malakas kami sa munisipyo!”

Nakalulungkot na nangyayari ito dito pa sa bayan na kinikilala dahil sa pagiging disiplinado ng mga Marikenyo.

Paano umabot sa ganito? Paano nangyari na sila na ang may kasalanan, sila pa ang matatapang? Paano nangyari na sila na ang pasaway, sila pa ang mayabang?

Maraming iba pang salot sa ating lipunan – ‘yung mga taong paulit-ulit lumalabag sa mga batas at ordinansa tapos pag sinita ay sasagot na, “marami lang kasing naiinggit sa akin!”

Sa amin marami niyan … ang may buy and sell ng sasakyan na ginagawang talyer ang kalye, ang may trucking na ginagawang garahe at talyer ang kalye sa harapan ng mga kapitbahay nito, atbp.

Panahon na para balian ng sungay ang mga pasaway!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply