BAHO NG SENADO, ‘DI KAYA NG PABANGO

baletodo

MALALA ang nangyaring bangayan sa pagitan nina Senate President Juan Ponce Enrile at ang 4 na senador na sina Alan at Pia Cayetano, Antonio Trillanes at Miriam Defensor Santiago.

Noong una, akala ng taumbayan ay simpleng paglalantad lang ng baho sa liderato ni Senador Enrile ang nagaganap dahil sa hindi raw pantay na distribusyon ng pondo.

Sa huli ay lumabas ang tunay na interes ng mga “whistle blower” na senador – pera-pera lang din pala ang habol nila.

Katulad ng inilantad ng nagbitiw na Chief of Staff ni SP JPE na si Atty. Gigi Reyes, sumobra na ang baho ng maraming senador sa kahahabol – lambing man o hiling – ng dagdag pondo pa.

Nagsabi rin ang hepe ng Senate Treasury at Accounting na kumpleto ang pondo na tinanggap ng mga senador ngayong 15th Congress ng Senado at ilan sa mga honorable ay sobra pa ang nakuha dahil “mahilig daw maglambing” sa boss nila.

Ang boss naman sa Senado, dahil mabait at mapagbigay hala bira lang kung magbigay.

Salamat kay Atty. Gigi dahil sa kanyang  pagbubulgar  sa baho ng Senado na gawa ng mga senador mismo, alam na ngayon ng taumbayan kung papaano nilalaspag ang buwis ng sambayanan.

Sa luho at yabang ng ilan sa mga senador, ni hindi sila makapagpakita ng konkretong naitulong sa tao at bayan.

P200 milyon kada taon na pork barrel. Isama ang multi-milyong piso sa kanilang liderato sa mga komite.

Mga gastos sa biyahe, kain, tulog, kumperensiyang kaliwa’t kanan sa loob at labas ng bansa – ano ang ating napala bayan?

Ngayon, anomang pabango ang gamitin ng Senate Sgt. at Arms, mahihirapan na sila na alisin ang baho dahil nakakapit na ito sa kanilang balat at buong pagkatao.

Napapanahon na nga na baguhin ang sistemang pulitikal. Wasakin ang Kongreso at gawin na lang parlyamento, isang kinatawan ng buong bayan para mabilis mapatalsik ang tamad at buwaya ng sektor pulitikal.

Paano mabubura ang sinabi ni Atty. Reyes na ang mga sangkot na senador ay mga IPOKRITO at ang Senado ay namamantot, mabaho nang totoo?

Inamin din ‘yan ng mga dating Pangulo ng Senado – pera-pera lang ang totoo nilang anyo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply