BALIK SA NORMAL NA BUHAY: KATAKOT-TAKOT NA TRAPIK

benny antiporda

 BUMALIK ulit ang normal na buhay nating lahat.

‘Yun bang === naiipit na ulit tayo sa trapik.

Kahit nagpalit na ang marami ng kanilang mga sasakyan mula sa owner, kotse at SUV sa motorsiklo, masikip pa rin ang mga lansangan.

Sa totoo lang, malaking kabawasan sa mabigat na trapik ng sasakyan ang paggamit ng motorsiklo.

Kapalit nga lang nito ang maraming disgrasya na ikinamamatay o ikinababalda ng mga nagmomotorsiklo.

Mabangga o bumangga kasi sila sa iba, talo lagi ang mga ito.

GRABENG TRAPIK

Sa Metro Manila, grabe ang trapik na talaga namang perhuwisyo.

Sakit sa ulo talaga ang problemang ito hindi lang sa mamamayan kundi maging sa mga negosyante.

Ewan natin kung paano sosolusyunan nang todo ito ng mga kinauukulan.

Kita niyo naman, mga Bro, kung paano nagiging parking space ang EDSA at iba pang malalaking lansangan sa mahabang oras araw-araw.

Whew!

OBRERO AT ESTUDYANTE

Sa hanay ng mga obrero at iba pang mamamayang mananakay, trapik ang kanilang kalaban sa kanilang pagpasok sa trabaho at iba pang hanapbuhay.

Ang milyon-milyong estudyante, labis ding naaapektuhan sa kanilang pag-aaral dahil sa trapik.

Lalo na sa parte ng mga bata.

Akalain ninyong kailangang gumising nang maagang-maaga ang mga bata para lang maghanda at bumiyahe laban sa trapik.

Naiisip natin na ang grabeng trapik ang isang dahilan ng kabobohan ng mga mag-aaral.

Mantakin mo, dalawa hanggang tatlong oras sa lansangan ang inuubos nila sa pagpasok sa iskul at paglabas pauwi ng bahay dahil sa trapik.

NEGOSYO NATATRAPIK

Malaking bagay ang pagkakaroon ng internet, cellphone at iba pang hi-tech na gadget sa mga transaksyon sa negosyo.

Pero kung nag-deliver ka na ng mga tao at produkto bilang resulta ng mga business transaction, nakupo, andiyan na ang katakot-takot na delay.

Lalo na kung ikumbina mo ang grabeng trapik at mga truck ban.

Alam ba ninyo na bukod sa Metro Manila, may mga truck ban na rin sa mga karatig na lalawigan ng Metro Manila.

Diyan namamatay ang negosyo.

May nagkakansela ng mga kontrata, may nabubulok na mga produkto, may nagkakasakit na tao, maraming sasakyan ang nasisiraan at sobra ang gastos sa gasolina at krudo.

Diyan na nagmamahal ang presyo ng mga produkto at serbisyo.

MGA SOLUSYON

Ang Metro Manila Development Authority ay talaga namang tuliro sa pagkontrol sa grabeng trapik.

Isa sa mga pagkontrol ang pagpapatupad ng 60 kilometer speed para maiwasan ang mga disgrasya na sanhi ng mga trapik na katakot-takot.

Andiyan din ang truck ban at number coding nito.

Nandiyan din ang bus segregation scheme at panghuhuli at pagtulong na makansela ang prangkisa ng mga abusadong bus company.

Pero kulang pa rin ang lahat ng ito.

Sapagkat marami ang kanilang pinipikitan ng mata.

TRAFFIC ENFORCERS

Malaki rin ang naitutulong ng paglikha ng mga lokal na pamahalaan ng mga traffic enforcer.

Kahit papaano ay pinakikinggan naman ang mga ito ng maraming driver at bibihira lang talaga ang mga may matitigas ang ulo.

Saka lang nagpapakita ng katigasan ng ulo ang mga tsuper kung wala na ang mga ito sa lansangan.

Lalong nagpapakita ng disiplina ang mga tsuper kung may nakikita silang malalaking motorsiklo.

Kasi mas malaki ang isusuka nilang salapi kung ang mga nagpapakilalang taga-TMG, taga-LTO at taga-LTFRB ang mga nasa lansangan.

Ang mga traffic enforcer, napakikiusapan, sabi nila.

Pero ang tatlong nabanggit, kailangan umanong sumuka ka ng pera kung pinara ka nila bago ngumiti ang mga ito.

MGA PROBLEMA

Ang sabi, talagang hindi lang kaya ng mga lansangan na kargahin ang lahat ng mga tumatakbong sasakyan.

Tama ito.

Pero sa kabilang banda, may mga problemang pinipikitan na lang ng mga awtoridad sa iba’t ibang kadahilanan.

Sa kahabaan ng pier mula sa Manila Hotel hanggang sa may Malabon at Navotas, nakupo, ginagawang parking area ng mga dambuhalang sasakyan ang napakaluwang na kalsada.

Napakarami ring lansangan ang ginagawang parking area ng mga jeepney, taksi at iba pang sasakyan.

Kasama sa mga nagpa-park sa mga lansangan ang napakaraming sasakyan din ng gobyerno o taong gobyerno dahil maraming opi-sina ng gobyerno ang walang sariling parking space.

Ang mga illegal terminal ay hindi rin masugpo dahil alaga ang mga ito ng mga pulis, TMG, traffic enforcer at iba pang kasabwat ng mga ito.

Marami rin sa mga lansangang siyudad ang itinuturing na pag-aari ng mga barangay at isinasara ang mga ito sa ibang mga motorista.

Bukod sa inaari ang mga ito sa paglalagay ng mga gate, ginagawa pang basketbolan, bilaran ng mga labahin, lamayan at marami pang iba.

TUMINGIN ANG MAY MATA

Sa nabanggit kong mga problema, ano-ano na ang ginagawa ng mga kinauukulan?

Wala lang, dedma ang marami sa kanila. Bakit?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply