BIAZON, TAPAT SA MAMAMAYAN

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

MAGANDA ang resulta ng pagsisikhay at pagsusumikap sa trabaho ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon nitong nakalipas na taon dahil marami sa mga nagpapalusot ng mga produkto o epektos ay nahuli at nabuking ang modus operandi.

Dahil  naiparating ni Biazon sa smugglers at iligalista ang kanyang layunin na tahakin ang “matuwid na daan” ni Pangulong Benigno Aquino III, marami lalo na ang mga negosyanteng nais na kumita ng malaki sa pamamagitan ng smuggling ang nagdadalawang–isip sa pandaraya sa buwis na dapat sana ay pumapasok sa kaban ng bayan.

Alam ng smugglers na hindi sila sasantuhin ni Biazon kaya nakapag-iisip na ang marami na pumarehas na ng laban sa BOC at ideklara nang tama ang kanilang mga ipinapasok at inilalabas na mga produkto upang ibenta sa merkado maging dito o sa ibang bansa.

Gayunman, may ilan pa ring smugglers na kasabwat ang ilang tiwaling tauhan ng BoC ang nakapagpapalusot ng kanilang mga epektos tulad ng sigarilyo at paputok noong nagdaang Disyembre na ikinagalit ni PNoy. Hindi naman ito itinatago ni Commissioner Biazon. Aminado  siya na may ilang maliliit na detalye ang nakalusot sa kanya hinggil sa kalakaran sa Aduana  kaya may sandaling nagdiwang ang ilang smuggler.

Ngunit naging leksyon kay Biazon ang pangyayari kaya nag-isip at bumuo siya ng plano kung paano tuluyang lansagin, hindi lang basta bawasan, ang smuggling activities dito sa bansa. Epektibo na ang mga naunang paraan niya nang pagsugpo sa smuggling at ngayon ay mas patitindihin niya para hindi na malusutan ang kanyang ahensiya.

Bagaman nagkaroon ng ilang palusot sa sigarilyo at paputok, maayos naman sa kabuuan ang trabahong ipinamalas ni Biazon sa kanyang pamumuno sa Aduana. Pawang tagumpay ang kanyang mga operasyon laban sa pagpapalusot ng mga produkto o kontrabando na nagiging daan ng marami para maging tiwali dahil sa salaping natatanggap mula sa mga smuggler at broker.

Hindi talaga matatawaran ang pagiging tapat sa bayan at pagmamahal sa mamamayan ni Biazon na dapat sana ay kandidato bilang senador subalit mas pinili ang magtrabaho at pagpawisan.

Mas nais niyang makilala dahil sa kanyang magagandang gawa kaysa puro pangako sa bayan at mamamayan.

Sa susunod na eleksyon, sakaling may pagkakataon, hindi na kailangan ni Biazon na kumbinsihin ang mga tao kaugnay sa kanyang mga nagawa sa mamamayan at bansa kundi ang mga ito na mismo ang gagawa ng hakbang upang mabatid ng maraming tao ang kanyang nagawa sa pamayanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply