Bible run, ilulunsad ng Simbahang Katoliko

cbcp

HINIKAYAT ng Simbahang Katoliko ang mga Kristiyano na makiisa sa kanilang idaraos na Bible run sa Marso 9, na may layuning makapagbigay ng Bibliya sa bawat tahanan at hikayatin ang mga Pinoy na basahin ito at mamuhay nang naayon sa Salita ng Diyos.

Ayon sa Episcopal Commission for the Biblical Apostolate (ECBA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang aktibidad na tinawag na “May They Be One (MTBO) Bible Run 2” ay isasagawa sa Quirino Grandstand sa Maynila sa nasabing petsa.

Ang mga runners at walkers na interesadong lumahok sa aktibidad ay maaari na rin umanong magpatala ngayon pa lamang sa halagang P500 at P250 para sa mga estudyante.

Nabatid na ang Bible Run 2 ay may 3K, 5K, at 10K categories at ang mga makakatapos sa Bible Run o makakarating sa finish line ay makakakuha ng National Service Training Program (NSTP) credit certificates.

Noong nakaraang taon, may 6,000 runners ang lumahok sa naturang fund raising event upang makapagbigay ng mga kopya ng Bibliya sa may limang milyong mahihirap na pamilya sa bansa.

Ang CBCP-ECBA ang nangunguna sa kampaniya, katuwang ang Philippine Bible Society at iba pang Christian churches.

Ayon sa CBCP, ang aktibidad ngayong taon ay naglalayong madagdagan ang Bible awareness sa bansa, gayundin ang interes ng mga mamamayan sa pagbabasa ng Bibliya.

Inilunsad ang ikalawang Bible run matapos na magpasya ang PBS na palawigin ang kanilang five-year campaign hanggang taong 2015 matapos na mabigong maabot ang target na mabigyan ng Bibliya ang milyon-milyong mahihirap na pamilya sa bansa.

Ang mga interesadong lumahok sa aktibidad ay maaaring bumisita sa websites na www.raceforlife.org o www.facebook.com/BibliYaman, o di kaya’y tumawag sa PBS secretariat sa numerong 526-7777 local 631.

Ang mga sign-up forms ay available sa alinmang PBS Bible House at Philippine Christian Stores sa Metro Manila.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply