Biyuda, 2 pa arestado sa pagtutulak ng shabu

crime4

ARESTADO ang isang 36 anyos na biyuda makaraang mahuli sa pagtutulak ng shabu sa isinagawang entrapment operation  ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong January 20, 2013 sa Urdaneta City, Pangasinan.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nahuling suspek na si Tarhata Macalaba, alias Tata, residente sa  Barangay Camantiles, Urdaneta City, Pangasinan.

Si Macalaba ay nahuli ng mga operatiba ng  PDEA Regional Office 1 (PDEA RO1) sa pamumuno ni Director Jeffrey Tacio sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Dilan Paurido, Urdaneta City, Pangasinan.

Ayon kay Cacdac si Macalaba ay asawa umano ng isang pusher na kinilalang si  Asis Hadji Modior, na napatay sa isang engkuwentro ng mga elemento ng PDEA noong  August 2012 at magmula noon ay itinuloy ng babae ang iligal na aktibidad ng napatay na asawa sa kanilang lugar at karatig na komunidad.

Samantala, arestado rin ang isang 16 anyos na batang lalaki at isa niyang kasama makaraan silang mahuli sa aktong nagtutulak ng shabu sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng PDEA sa General Santos City.

Ayon kay Cacdac, Jr. ang nasabing bata at kasama nitong si Zainudin Lending, 34 anyos , isang driver ay kapwa residente sa Bayanihan, Uhaw, Barangay Fatima, General Santos City, ay nahuli sa aktong nagbebenta ng may limang gramo ng shabu sa isang buy-bust operation ng PDEA RO12 sa Hadanao Park, National Highway, General Santos City noong January 18, 2013.

Nakumpiska sa dalawa ang isang unit na Haojue motorcycle at 1,000-peso marked money na ginamit sa transaksiyon.

Ang 16 anyos na bata ay pansamantala munang inilagay sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) pero nahaharap pa rin sa kasong criminal sa ilalim ng  RA 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, sakaling mapapatunayan ng korte na nagtutulak ng shabu.

Ang mga arestado ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng  Anti-Dangerous Drug Act.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply