Black propaganda vs Trillanes, kalat sa AFP, PNP

trillanes2

MARIING kinondena ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang kumakalat na mapanirang mga text message sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na nag-uugnay sa kanya bilang isa sa may-akda ng umano’y panukalang batas na naglalayong bawasan ang benepisyong natatanggap ng mga retiradong sundalo at pulis.

Ang sinasabing “PNP/AFP Retirement Bill” ay magtatanggal ng ilang benepisyo ng mga sundalo at pulis pagtungtong nila sa edad ng pagreretiro, ngunit itinanggi ni Trillanes na may ganitong panukala na nakahain sa Senado.

“Ito ay isang black propaganda na ginawa ng mga kalaban ko sa pulitika. Walang naturang panukala na nakahain sa Senado, at lalong wala akong hinahain na ganoong panukalang batas. Hinding-hindi makakakuha ng aking suporta ang anumang panukala na makasasama sa kapakanan ng ating mga sundalo at pulis,” sabi ni Trillanes.

Dagdag pa ni Trillanes, lagi at nananatili siyang sumusuporta sa anumang hakbang upang mapainam ang kapakanan ng kasundaluhan at kapulisan lalo pa’t dati siyang miyembro ng Philippine Navy na may ranggong lieutenant senior grade.

Ilan sa mga panukalang nagbibigay benepisyo sa mga kawani ng AFP at PNP na isinusulong ni Trillanes sa Kongreso ay ang mga sumusunod:

• Senate Bill (SB) No. 204 na nagdadagdag ng quarters allowance ng mga kawani ng AFP tungo sa P5,000 para sa enlisted personnel, at P10,000 hanggang P15,000 para sa mga opisyal;

• Senate Joint Resolution (SJR) No.5 na nagtataas ng subsistence allowance ng mga kawani ng AFP mula P90 tungo sa P150 kada araw;

• SJR 8 na nagdaragdag sa combat duty pay ng mga miyembro ng Philippine Army at Marines tungo sa 25 porsiyento ng kanilang batayang sahod;

•Ang AFP Insurance Coverage Act na naggagawad ng karagdagang P250,000 death disability benefits, at P100,000 medical assistance sa mga sundalo na namatay o nasugatan sa pagganap ng kanilang tungkulin.

• SB 205 na nagbibigay ng karagdagang pondo sa AFP upang mabayaran ang mga nalalabing benepisyo at pensyon ng mga beterano ng ikalawang digmaang pandaigdig;

• SB 393 na nagtataas ng combat duty pay ng mga PNP personnel tungo sa 25 porsyento ng kanilang batayang sahod;

• SB 197 na nagtataas ng quarters allowance ng mga kawani ng PNP; at

• Ang PNP Insurance Coverage Act na nagbibigay ng karagdagang P250,000 death disability benefits, at P100,000 medical assistance sa mga pulis na namatay o nasugatan sa pagganap ng kanilang tungkulin.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply