BUKULAN SA KAMARA, SENADO, PALASYO AT LGU

benny antiporda

NGAYONG sumasabog ang isyu ng pamimigay ng salapi sa Senado, naalala tuloy natin, mga Bro, ang kabuuan ng pamimigay ng salapi sa gobyerno, lalo na ang buong Kongreso at Palasyo na rin.

Hindi ba mayroong mahigit sa P2 trilyon na budget ang buong pamahalaan ngayong taon?

Heto ang mga pinakamalalaking pagkakagastusan ng pamahalaan sa taong ito;

a. Pambayad sa utang – P333.1 bilyon at sinasabi ng iba na wala pa rito ang interes na halos ganito rin ang halaga;

b. Para sa Internal Revenue Allotment o para sa mga lokal na pamahalaan – P318B;

k. Para sa Department of Education – P318B;

d. Para sa pork barrel ng mga senador at kongresman – mahigit sa P20 bil-yon; at

e. Para sa pork barrel ng mga secretary ng mga departamento ng Palasyo – bilyon-bilyong piso at sky is the limit.

NAG-AAWAY-AWAY SA SENADO

Nag-aaway-away na nga ang mga senador ukol sa ilang daang libo at ilang milyon lamang na halaga.

Humantong na sa personalan at ungkatan ng kung ano-ano ang mga senador. Pero nagsimula ang lahat sa hatian ng ilang pondo ng Senado.

Habang nag-aaway-away ang mga ito, lumalabas tuloy na pare-pareho ang mga senador na may itinatago at ang hindi lamang magandang hatian ang isa sa mga pinagsimulan ng away.

TAHIMIK SA KAMARA

Sa Kamara, tahimik ang mga kongresman. Bagama’t may away rin sa hatian ng pakinabang nila sa pork barrel.

Ilang beses na nga ba nating narinig mula sa ilang kongresman na wala silang natatanggap na pork barrel?

At tanging ang mga malalapit sa Palasyo umano na kongresman ang nakatatanggap ng mga nilalanggam na biyaya. Ito’y sa kabila ng pagsasabi ng Palasyo na lahat ay nabibigyan ng pork barrel.

At regular na nabibigyan ang mga ito.

Kung may hindi man nakatatanggap, may pagkukulang lang umano ang mga kongresman na rekisitos para ma-release sa kanila ang mga pork barrel.

PARA SA SENADOR AT KONGRESMAN

Oo nga pala, ang pork barrel ay ibinibigay sa mga senador at kongresman.

Mayroon din umano sa mga miyembro ng gabinete sa Palasyo.

Sa isang senador, P200 milyon taon-taon ang pork barrel.

May taunan namang P70 milyon para sa bawat kongresman.

Sa kabuuan, mahigit umanong P20 bilyon taon-taon ang kanilang pork barrel.

Walang away sa pork barrel at tanging sa maintenance and other operating expenses sa Senado ang may away.

Maliit lang na bilang ang mga umaangal sa kawalan ng kanilang pork barrel sa Kamara.

Ang pork barrel ay ang gatasan umano ng mga senador at kongresman.

MGA SECRETARY

Hawak ng mga department secretary ang mga pondo sa kani-kanilang departamento.

Gaya ng nabanggit na natin, malalaki ang budget ng mga departamento gaya ng DepEd.

Magkano ang discretionary funds ng mga sekretaryo?

Sabi ng iba, ‘yang discretionary fund ang pork barrel umano ng mga secretary.

Iba pa ang kanilang share sa bawat proyekto na itinatayo.

Wala tayong gaanong naririnig na away ng mga secretary.

Pero kung may nagbibitiw, halatadong may pera sa mga departamento dahil sa agawan sa puwesto.

Diyan nagkakaroon ng mga awayan.

MGA LOKAL NA OPISYAL

‘Yang Internal Revenue Allotment ang bumubuhay sa maraming lokal na pamahalaan.

Maraming munisipyo ang mahihirap at nabubuhay lang sa IRA. Mas grabe ang kalagayan ng mga barangay.

Pero sa kabuuan, marami ang mga demandahan sa paggamit ng mga IRA. At lumalabas na sinasalakay ang pondo sa IRA ng mga bosing sa mga lokal na pamahalaan mula sa barangay hanggang sa mga mayor at gobernador at iba pang opisyales.

Magtanong kayo, mga Bro, sa Ombudsman at doon ninyo makikita ang mga matitinding away sa pagsalakay sa IRA ng mga lokal na opisyal.

PINAGLOLOKO ANG MAMAMAYAN

May hindi nga tayo maintindihan na sinasabi ng mga opisyal ng pamahalaan ukol sa pambansang budget.

Ang sabi nila, pinakamalaki ang DepEd gaya ng nauna na nating nabanggit.

Pero gaya ng inilista natin, pinakamalaki pala ang pambayad sa utang at sumusunod dito ang budget sa IRA na para sa mga lokal na opisyal.

Hindi kaya tayo pinaglololoko ng mga opisyal?

PAGPAPAYAMAN SA PUWESTO

Pagpapayaman sa puwesto ang maliwanag na interes ng nakararaming politiko at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.

Segunda lang ang interes ng mamamayan.

At maaaring ito rin ang dahilan ng mga awayan sa kahit saang sangay ng pamahalaan.

Hindi lang sa Senado kundi maging sa maraming sangay ng pamahalaan mula sa Palasyo hanggang sa barangay at mula sa Korte Suprema hanggang sa mga huwes.

Ang mga senador lamang ang nakikita dahil na-ririto sila sa sentro ng media mula sa diaryo, radio, telebisyon at internet.

TUMIGIL NA

Mungkahi natin na tumigil na ang mga kawatan sa kanilang mga awayan at mag-concentrate sila sa paglilingkod sa taumbayan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply