BUWITRENG BANTAY-SALAKAY

bantay ocw

MADALAS na ipinagkakatiwala ng mga inang OFW ang kanilang mga anak sa kanilang mga kapamilya mismo. Kahit pa nga minsan may naiiwan na asawang lalaki, iiwanan pa rin nila ang mga batang ito sa kanilang magulang o sa kanilang mga kapatid.

Naunang nagtungo sa Canada si Leslie. Makalipas ang isang taon, sumunod sa kanya ang asawang si Mario. Iniwan nila ang dalawa nilang anak, edad 8 at 7 sa bunsong kapatid ni Leslie na si Gary. Gayong may asawa’t anak si Gary, pinatira na lang nila ang pamilya nito sa kanilang bahay upang may makasama lang ang kanilang mga anak.

Sabak agad sa paghahanap-buhay ang mag-asawa. Night shift bilang kahera si Leslie at maghapon namang nagtatrabaho si mister sa isang restaurant. Halos hindi na nga magkita ang mag-asawa. Dahil pag-uwi ni Leslie ng madaling araw, siya namang pag-alis ni Mario.

Matagal din nilang tiniis ang ganoong schedule. Hanggang sa nakakuha na rin sila ng magandang trabaho. Siyempre mas malaking kita, kaya madaling nakapag-ipon ang mag-asawa.

Ipinadadala naman nila kay Gary ang lahat ng pangangailangan ng kanilang mga anak pati na ang lahat ng kanilang mga gastusin sa bahay. Nakalibre na sina Gary sa buwanang mga konsumo tulad ng tubig at kuryente pati na rin ang kanilang pang-araw-araw na pagkain.

Sagot na halos lahat nina Leslie at Mario, kapalit ng pag-aalaga nila sa kanilang dalawang anak. Hindi naman nila alintana ang mga gastusin dahil malaki naman ang kinikita nila sa abroad, kung kaya’t okay lang iyon.

Ngunit hindi nila alam na sa kabila ng pagpapadala ng malaking halaga sa Pilipinas, pinagdadamutan pala ni Gary at asawa nito ang kanyang mga pamangkin. Maging sa pagkain tipid na tipid ang mga ito. Dahil ginagamit nila ang perang padala para sa sariling pamilya, palibhasa wala namang hanapbuhay si Gary at umaasa na lang sa kanyang kapatid.

May mga panahon na wala talagang pagkain ang kanyang dalawang anak at maging pamasahe papunta sa paaralan.

Hindi ito nalaman nina Leslie dahil hindi naman nagsusumbong ang mga anak nila.

Minsan nang magbakasyon siya sa Pilipinas, nakiusap ang anak na babae na palayasin na ‘anya sa kanilang bahay ang kanilang tiyuhin at kaya na nilang mabuhay na magkapatid habang wala ang mga magulang. Magkokolehiyo na siya noon.

Hindi pumayag sina Mario at Leslie dahil ayaw nga nilang walang adult sa kanilang bahay na titingin sa mga anak.

Hanggang sa ipinagtapat ng anak na babae na minomolestiya siya ng tiyuhing si Gary. At may pagkakataong muntik na siyang magahasa kung hindi siya nakapanlaban sa tiyuhin nang minsang walang tao sa kanilang bahay.

Parang bombang sumabog ang balitang ito sa mag-asawa. Ayon kay Leslie, higit na napakasakit sa kanya ang nabalitaan dahil bilang isang ina, hindi man lang niya naprotektahan ang anak na nangangailangan ng tulong laban sa buwitreng kapatid niya na buong akala niya’y magmamalasakit sa kanyang mga anak, kundi nagsilbi pa ngang bantay-salakay ito.

Magsisi man huli na para kina Mario at Leslie na ibalik pa ang nakaraan. Hindi na ipinakulong ni Leslie ang kapatid at hinayaan na rin nila itong mangibang-bayan bilang OFW. Nagrebelde naman ang panganay na anak at sumama na lang sa boyfriend nito sa abroad. Nag-asawa na rin ang bunsong anak. Ni wala silang ipinakasal at dinaluhang anak sa kasalan, na napakasakit ‘anya sa isang magulang. Kaligayahan ng bawat magulang na maihatid ang anak at maibigay sa kanyang mapapangasawa sa minsanan at masayang okasyong tulad ng kasalan.

Gulo pa rin ang isip ni Leslie kung babalik na nga ba sila sa Pilipinas. May 20 taon na silang nasa Canada at halos doon na rin nila ginugol ang maraming taon ng kanilang buhay. Sa kabila ng maraming mga ari-ariang naipundar, tingin niya’y balewala ang lahat ng iyon, dahil pakiramdam nila, ang kanilang mga anak, na siyang hinandugan nila ng kanilang buong panahon ng paghahanapbuhay sa abroad, pawang nawalan na rin ng pagmamahal at tiwala sa kanila bilang mga magulang.

Ayon kay Leslie, buong akala ng kanilang mga anak, iniwan nila sila at ipinaubaya sa ibang tao. Mahirap ipaliwanag ang lahat at balikan ang nakaraan dahil kailanman, hindi na nila ito maibabalik pa.

oOo

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapanonood sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm at GMA News TV International

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply