Campaign rules and regulations aamyendahan ng Comelec

AAMYENDAHAN ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang campaign rules and regulation na ipinatutupad para sa May 13 midterm elections.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., ito ay kasunod nang idinaos na public hearing ng Comelec nitong Huwebes kung saan tinalakay ang magkahiwalay na liham na isinumite ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas at ng GMA Network Incorporated na tumututol sa ilang campaign rules.

Sinabi ni Brillantes na partikular nilang aamyendahan ang ilang bahagi ng Resolution 9615 na naglalaman ng panuntunan para sa pagpapairal ng Fair Elections Act kung saan pinapayagan ang pangangampanya sa pamamagitan ng media.

Sa kabila naman nito, nilinaw ni Brillantes na wala namang magiging malaking pagbabago sa Resolution 9615.

Maaari aniya nilang tutukan sa pag-amyenda ay ang panuntunan tungkol sa airtime limits ng patalastas ng mga kandidato sa mga himpilan ng broadcast media, gayundin ang probisyon tungkol sa right of reply.

Aniya, ilalabas umano nila ang resolusyon kaugnay sa gagawing pag-amyenda bago magsimula ang campaign period para sa mga kumakandidato sa national position na nakatakda na sa Pebrero 12.

Dumalo sa public hearing sina Atty. Roberto Lucila na kumatawan para sa GMA Network at unang naglahad ng argumento, gayundin si Atty. Rudolph Jularbal, abogado ng KBP na sumunod namang nagbigay ng pahayag.

Kapwa iginiit ng dalawang abogado ang kanilang pagtutol sa aggregate airtime limit na itinakda ng Comelec.

Alinsunod sa campaign rules, 120 minuto lamang maaaring mangampanya ang mga national candidates para sa telebisyon at 180 minuto para sa radyo, habang ang mga kandidato naman para sa mga lokal na pwesto ay mayroong aggregate airtime na 60 minuto para sa TV at 90 minuto para sa radyo.

Pinuna rin nila ang panuntunan na kinakailangan pang humingi ng pag-apruba sa Comelec para sa guesting ng mga kandidato at pagpapatupad ng right of reply provision.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply