‘Catholic vote’ di gagamitin ng Simbahang Katolika

bishop-pabillo

HINDI gagamitin ng Simbahang Katolika ang “catholic vote” sa halip ay maglalabas na lamang sila ng guidelines o criteria sa tamang pagboto para sa mamamayan.

“Hindi po natin ginamit ang term na Catholic vote dahil sa ang term na ito ay malabo. Iba-iba ang pag-unawa dito pero hinihikayat natin ang mga lay faithful na maging involved, maging serious sa kanilang political duties. Ibig sabihin na patuloy ang ating education sa politics and at the same time mga tao talaga na pipili ng tunay na mga kandidato na siyang mamumuno sa atin na guided by conscience.” bahagi ng pahayag ni CBCP-NASSA Chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa Radyo Veritas.

Ayon sa obispo, maglalabas ang Simbahan ng matrix o panukat sa mga kandidato kung paano sila manindigan sa mga isyu na may kinalaman sa mga adbokasiya at katuruan ng Simbahang Katolika upang matulungan ang mga botante na makapili ng mga kandidato na may Christian values.

Dagdag pa ng obispo na ang kanilang education campaign ay nakasentro sa national level at ipinauubaya na aniya nila sa iba’t ibang mga diocese ang local election hinggil sa pagpili ng tamang kandidato.

Kaugnay nito, hinimok ni Pabillo ang mga mananampalatayang Katoliko na makiisa sa nalalapit na 2013 midterm elections sa Mayo upang makapaghalal ng mga pinuno na may malasakit sa bansa at sa mga mahihirap.

Samantala, ipinaalala naman ni CBCP Episcopal Commission on Youth chairman Legazpi Bishop Joel Baylon sa mga kabataan na maging matured at responsableng mga botante ngayong 2013 elections.

Dapat aniyang gamitin ng mga kabataan ang konsensiya sa pagboto at hindi nakabase lamang sa popularidad at personalidad.

“Bumoto tayo ayon sa konsensiya. Sana sa atin po magsimula ang bagong kulturang tapat at malinis na paghahalal na hindi nakabase sa impluwensiya ng personalities kumo guwapo, kumo artista at mayaman. Ihalal natin yung may sapat na kakayahan at tapat na puso na maglingkod sa bayan”.pahayag ni Bishop Baylon sa panayam ng Radio Veritas

Nananawagan pa ang obispo sa lahat ng botante na panahon nang baguhin ang masamang kultura ng botohan sa bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply