CHECKPOINT AT MGA KARAPATAN NG MAMAMAYAN

ultimatum

HALALAN na kaya laganap ang pagtatayo ng mga checkpoint ng mga awtoridad.

Ito’y upang maiwasan ang mga utak kriminal na sumawsaw at maghari-harian sa halalan at balewalain ang kagustuhan ng mamamayan sa pagpili ng kanilang gustong magiging tagapaglingkod sa bayan mula sa senador hanggang sa mayor.

Proteksyon din ito ng mamamayan laban sa mga ordinaryong krimen, kabilang na ang mga kidnap for ransom at pumapatay na riding in tandem.

Mapoprotektahan din ang mga kandidato na nagsimula nang pagpapatayin ng kanilang mga kalaban para pagdating ng oras ay makalalahok sila sa halalan nang buhay.

LISTAHAN NG DOJ

Minabuti nating ilabas dito nang buo ang 10 puntos sa checkpoint pabor sa mamamayan na naaayon sa habilin ng Department of Justice.

Heto ang mga sinasabi ng DOJ, suki.

1. Dapat na maliwanag ang lugar kung saan itinatayo ang checkpoint, maliwanag na may pagkakilanlan at binabantayan ng mga nakaunipormeng awtoridad.

2. Kapag dumarating ka na sa checkpoint, dapat kang magdahan-dahan sa pagpapatakbo ng sasakyan, ibaba ang ilaw o gagamit na lang ng dim headlights at mag-ilaw sa loob ng sasakyan. Huwag kang lalabas sa iyong sasakyan.

3. Isara mo ang lahat ng pintuan at titingin lang ang mga awtoridad sa loob ng sasakyan. Ibig sabihin, hindi sila pupuwedeng maghalungkat.

4. Huwag kang magpaparekisa sa iyong katawan.

5. Hindi ka pupuwedeng pilitin na buksan ang iyong glove compartment, trunk ng sasakyan o bag.

6. Karaniwan nang may pagtatanong ngunit dapat na matatag ka sa iyong pagsagot.

7. Igiit mo ang iyong mga karapatan, maging alerto ka huwag mag-panic.

8. Ilagay ang iyong lisensiya at rehistro ng sasakayan na madali mong maabot.

9. Maging laging handa sa paggamit ng iyong cellphone o telepono. Maglagay ka ng speed dial number.

10. Isulat mo kaagad ang mga paglabag ng mga nagtse-checkpoint. Makatutulong sa iba ang iyong aksyon.

LISTAHAN NG PULISYA

May listahan din ang Philippine National Police kung ano-ano ang mga dapat gawin sa checkpoint bilang gabay.

Pero sa kalakhan, kinopya ng mga ito ang gabay ng DOJ.

May idinagdag lang na puntos ang PNP.

Sabi ng mga bosing sa PNP, dapat na walang “tint” o kaya ay dapat na bukas ang bintana ng mga markadong sasakyan ng mga nagtse-checkpoint.

Ito’y para magkaroon ng tiwala ang mga mamamayang isinasailalim sa checkpoint.

Ginagawa ito upang mapanagot umano ang mga dapat na managot sa mga maling gawain sa lugar at sa gawain ng mga iskalawag.

MATATAPANG SA CHECKPOINT

MAY mga magagalang, mga Bro, na nagtse-checkpoint.

Pero mayroon ding sa una pa lang ay parang nasa ilalim ka ng martial law.

Nakalilimutan ng mga pulis, sundalo, CAFGU at iba pa na nabubuhay sila sa buwis ng nakararaming mamamayan at parang ang mamamayan ay pupuwede nilang basta balewalain.

Kung umangal ka, saka ka nila imamasaker at pagbibintangan kang terorista, gun for hire o riding in tandem.

Nakupo.

Ito ang agaran na iniuulat kina Heneral Alan Purisima.

Kung sa 117 naman, patay ka na bago makaaksyon ang mga awtoridad.

At kasalanan mo ang lahat ng dahilan ng iyong pagkamatay at pati gamit mo ay kulang-kulang kung iulat ng mga iskalawag.

Style rubout sa Atimonan, Quezon.

TRUE STORY

Heto ang isang karanasan ng dalawa nating kasamahan sa diaryo.

Nag-deliver sila ng diaryo sa Pasig City noong nakaraang halalan at isa pang sasakyan ang kasama nila sa pagde-deliver.

Dahil sa magkahiwalay ang mga lugar na pinagdeliberan nila, nagkasundo na magkita-kita sa lagpas ng EDSA sa Shaw Boulevard.

Sa oras na usapan, wala sa lugar ang isang sasakyan kaya sila huminto para kontakin ang mga kasamahan nila…na nasiraan pala.

Hindi nila alam na checkpoint pala ang nasa unahan nila.

Nagulat na lang sila nang nagmamadaling lumapit sa kanila ang mga pulis at nakatutok sa kanila ang mga armalite.

Inutusan silang bumaba ng sasakyan, hinanapan ng rehistro ng mga sasakyan saka inutusan din sila na buksan ang trunk ng kanilang sasakyan.

Nagpakilala ang mga kasamahan natin na taga-diaryo.

Pero hindi sila nirespeto ng mga pulis.

Hindi naman sila sinaktan ngunit nanginginig sila sa takot habang pinalilibutan sila ng mga pulis at sumusunod sa mga utos.

Tanong: pupuwede bang i-report sa mga awtoridad ang pangyayari?

Nag-report sila at humingi ng assistance sa 117 pero napudpod na ang daliri nila sa kada-dial ng cellphone hanggang malobat, walang sagot ang 117.

Nagpasalamat na lang sila at hindi ni-rubout ng mga pulis.

MARAMING NAGAGANAP

Sa totoo lang, parang may martial law sa checkpoint.

Ito ang dapat na timplahin ng mga awtoridad.

Lahat ng mamamayan pinagdududahan ng mga pulis at sundalo.

Gusto nilang bigyan sila ng respeto at pagkilala ngunit takot ang nararamdaman ng mamamayan sa kanila.

Sana naman, magbago ito ngayong halalan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply