Comelec checkpoint ilalatag sa buong bansa

comelec-checkpoint

KASABAY nang pagpapatupad ng Comelec gun ban sa Linggo, Enero 13, inatasan na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang Philippine National Police (PNP) para magtayo ng mga security checkpoints sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Alinsunod sa Comelec Resolution 9588, iginiit ng Comelec en banc na kinakailangan ang mga checkpoint sa may 135 lungsod at 1,493 munisipalidad sa bansa para maging epektibo ang implementasyon ng gun ban.

“There shall be at least one Comelec checkpoint in each city/municipality,” anang Comelec, ngunit iginiit na maaaring maglagay ng karagdagang checkpoint ang mga awtoridad kung kinakailangan ngunit dapat na may kaukulang notice sa election officer sa lugar.

Nakasaad sa Comelec gun ban na suspendido muna ang lahat ng inisyung lisensiya at Permit To Carry Firearms Outside Residences  sa mga gun owners simula sa Linggo hanggang sa Hunyo 12 o isang buwang matapos ang eleksiyon sa Mayo 13.

Dahil dito, hindi muna maaaring dalhin ng mga rehistradong gun owners ang kanilang mga baril sa labas ng kanilang tahanan habang umiiral ang nationwide gun ban dahil sa halalan.

Tanging ang mga miyembro lamang ng law enforcement agency tulad ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang papayagang magdala ng armas ngunit kailangang naka-uniporme ang mga ito at naka-duty.

Ang mga bodyguards naman ay maaari ring magdala ng sandata ngunit kailangang may permiso ito mula sa Comelec.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply