Cover-up sa pinsala ng USS Guardian, ‘di malayong mangyari

uss-guardian-2

HINDI malayong magkaroon ng cover-up sa isasagawang imbestigasyon ng gubyerno sa pinsalang dulot ng pagsadsad ng barkong pandigma ng US Navy sa Tubbataha Reef.

Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) matapos magpahayag ang Malacanang na magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND) at iba pang ahensya ng gubyerno kaugnay sa insidente.

Noong Huwebes ng madaling araw, isang 1,300 toneladang US Navy Minsweeper ang sumadsad sa hilagang bahagi ng Tubbataha Reef malapit sa isla ng Palawan.

Hanggang ngayon ay pilit itinataboy ng mga tropang Kano ang lokal na awtoridad na nangangasiwa sa Tubataha Reef, at napabalitang kinasahan pa umano sila ng baril ng mga dayuhang tropa sa kanilang pagtatangkang sumaklolo sa nadisgrasyang Minesweeper.

“Kasuklam-suklam ang ginagawang kawalang-akyson ng Malacanang kaugnay sa garapal na aksyong ginawa ng US Navy sa ating mga kababayan sa sarili nating bansa,” ani Gloria Arellano, tagapangulo ng Kadamay kaugnay sa pasya ng Malacanang na manahimik habang hinhintay ang resulta ng isasagawang imbestigasyon.

“Sa ganitong aktitud ng gubyernong Aquino, hindi malayong magkaroon ng cover-up sa buong pinsala ng pagsadsad ng USS Mariner sa kalikasan ng Tubbataha,” dagdag ni Arellano. Dapat lamang umanong igiit ng gubyerno ang karapatan nito na makialam at mangung sa insidenteng nagaganap sa teritoryo ng bansa.

Liban sa pagiging isang UNESCO World Heritage Site, ang Tubbataha Reef ay nagsisilbi ring breeding ground ng mga isdang pinagmumulan ng pagkain at kabuhayan ng milyun-milyon nating kababayan sa paligid ng Sulu Sea.

Sa pagtaya ng Tubbataha Protected Area Management Board, dapat magmulta ang US ng halagang $300 o P12,000 kada metro kwadro sa nasirang bahagi ng Tubbataha reef.

Multa, hindi sapat!

Ayon naman sa Kadamay, walang katumbas na halaga ang pinsalang dulot sa mamamayang Pilipino ng pagpasok ng mga tropang Kano at ng kanilang mga armas pandigma sa bansa.

Simula pa umano ng malagdaan ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng US at ng Pilipinas noong 1951 na siyang nagpahintulot noon sa pagtatayo ng US military base sa bansa, hanggang sa kasalukuyan sa bisa ng Visiting Forces Agreement, hindi lang likas na yaman ang napeperwisyo ng paglabas-masok at mga military exercies ng tropang Kano sa bansa.

“Maraming Pilipino ang pinaslang at maraming kababaihan ang ginahasa ng mga tropang Kano sa mahabang kasaysayan ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas. Pero higit pa rito, ibayong pagyurak sa soberanya ng Pilipinas ang dulot ng presensya ng mga armadong pwersa ng US sa bansa,” ani Arellano.

“Ang pagtitiyak na napanatili ng US ang kontrol nito ang pandaigdigang pultika at ekonomiya ang nagtutulak ditong magdeploy ng mga barkong pandigma sa iba’t ibang dako ng daigdig, at kasangkapanin ang iba’t ibang gubyerno ng mga bansa tulad ng Malacanang para maipatupad ang mga interes nito,” sabi ni Arellano.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply