Demolisyon ng mga residente ng Brgy. Catmon, Malabon, nakaamba

MAGDAMAG na nagbantay kagabi ang mga residente ng Sitio 6, Barangay Catmon, Malabon City laban sa nakaambang demolisyon ng kanilang komunidad ngayong umaga.

Plano ng lokal na pamahalaan na ipasok sa Community Mortgage Program ang lupang kinititirikan ng bahay ng aabot sa 800 pamilya sa nasabing komunidad. Noong nakaraang Huwebes, Enero 17, tinangkang gibain ng mga tauhan ng Commission of Urban Poor Affairs Office (CUPAO) ng lokal na pamahalaan kasama ang mahigit 60 pinagsamang pwersa ng pulis at SWAT ang unang 37 kabahayan sa bungad ng komunidad. Ngunit nabigo sila dahil sa paglaban ng mga residente. Wala pa umanong notice of demolition o kaya’y court oder na dala noon ang mga awtoridad, ayon sa mga residente.

Ngayong umaga, laban sa panibagong banta ng demolisyon, nakahanda umanong barikadahan ng mga residente ang magkabilang lane ng Gov Pacual Avenue na nasa harapan ng kanilang komunidad upang harangan ang pagpasok ng kapulisan at demolition team.

Ayon kay Divina Gulpo, tumatayong chairman ng Alyansa ng Nagkakaisang Samahan sa Malabon, Inc — Kadamay, iligal ang makailang ulit na tangka ng lokal na pamahalaan ng Malabon na gibain ang kanilang mga tahanan.

Ayon pa sa lider, tutol umano ang mga residente sa planong Community Mortgage Program sapagkat wala silang permanenteng kabuhayan o trabaho upang regular na magbayad sa programang CMP ng gubyerno sa loob ng 25 taon. Wala umanong kasiguruhan ang pagpupundar nila ng sariling bahay sa ilalim ng CMP.

Trabaho, hindi demolisyon

“Sa halip na demolisyon at pagpapalayas sa mga maralita sa kanilang mga komunidad, dapat ay paglikha ng regular na trabaho ang prayoridad ng lokal at pambansang pamahalaan,” dagdag ni Aling Divina. Kalakhan sa mga residente ng Sitio 6 ay nabubuhay sa pamamasura at pag-uuling.

Kinondena rin ng lider ang ginagawang pandarahas ng gubyerno sa mga progresibong residente sa kanilang lugar. Mahigit sa 40 pulis at 20 SWAT na armado ng mahahabang baril ang kasama umano ng demolition team noong nakaraang Huwebes upang maghatid ng takot sa mga residente.

“Gubyerno mismo ang nagtuturo sa mga maralitang lumaban. Mapipilitan kaming humarang sa kalsada at gumamit ng dahas upang pigilan ang paglapastangan ng gubyerno sa aming mga karapatan at maiparating sa administrasyong Aquino ang aming kalagayan dito sa Malabon,” banta ni Aling Divina.

Noong Mayo ng nakaraang taon, pinaslang si Ernesto Gulpo, dating chairman ng Kadamay sa lugar at maybahay ni Aling Divina dahil sa pagtutol sa planong CMP sa komunidad.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply