Demolisyon sa tabing estero, kinondena ng mga maralita

MAGPOPROTESTA ngayong umaga ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa labas ng opisina ng Department of Interior and Local Government upang kondenahin ang planong malawakang pagpapalayas sa mahigit 100,000 maralitang nakatira sa tabing estero sa Metro Manila bago magsimula ang tag-ulan sa buwan ng Hunyo.

Ayon sa pangrehiyong balangay ng Kadamay sa National Capital Region, nakahandang muling magbarikada ang mga maralitang apektado ng nasabing flood-control program ng administrasyong Aquino. Ito umano ay hangga’t wala silang nakikitang konkretong pabahay na itinatayo ang gubyerno malapit sa kanilang mga komunidad. P10 bilyon ang halaga ng proyekto na ipatutupad ng DILG, Department of Public Works and Highway at ang Metro Manila Development Authority.

Kasama sa protesta ngayong umaga ang grupong Kilusang Mayo Uno, Anakpawis Partylist at iba pang samahan ng maralita sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon. Plano nilang maglunsad ng isang human barricade na simbolo umano ng kanilang paglaban sa planong massive relocation ng administrasyong Aquino.

Mar Roxas Building (MRB)

Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, dapat ay libre o kaya’y abot-kaya ng mga maralita ang bayad sakaling ilipat sila sa planong MRB ng gubyerno na tinatawag pa nitong mga ‘MAR ROXAS BUILDING.’ Wala rin umanong ipinagkaiba ang mga ito sa iba medium-rise housing ng National Housing Authority na nililisan ng mga maralita dahil sa wala silang pambayad.

Track record din umano ng administrasyong Aquino ang pagbibigay ng mga relokasyong malayo sa kabuhayan at trabaho ng mga maralita, ayon sa grupo kaya’t malaki ang kanilang pagdududa kung maipapatupad ng gubyerno ang mga in-city at onsite relocation para sa mga nakatira sa tabing estero.

Dagdag pa ni Badion, “Sa halip na pagkakitaan ang mga maralitang maliit ang kinikita, na siyang dahilan kung bakit napipilitan silang tumira sa mga peligrosong lugar, dapat ding lumikha ang gubyerno ng mga trabaho para sa aabot sa milyun-milyong maralita sa Metro Manila.”

Sanhi ng pagbaha

Muli ring pinunto ng Kadamay na hindi maralita ang nasa likod ng sunud-sunod na pagbaha sa Metro Manila, kundi ang deforestation ng mga nakapagid ditong kabundukan dulot ng walang habas na pagmimina at illegal logging sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Kasama sa 20,000 pamilyang prayoridad ng gubyernong palayasin ay ang mga nakatira sa tabi ng San Juan River, Manggahan Floodway, Estero Tripa de Galina, Maricaban Creek, Tullahan River at Pasig River.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply