DIAL WALA RING ‘K’ SA BUCOR

pakurot

KAMAKAILAN ay naisulat dito sa Pakurot na walang karapatan na maging director ng Bureau of Corrections si Chief Supt. Franklin Bucayu dahil wala naman itong nagawa sa Region 1 upang patinuin lalo na sa usapin ng iligal na sugal. Dahil napalagay ang contact number ng may-akda ay may mangilan-ngilan na nag-text at nagbigay ng kanilang komento hinggil sa naisulat na pawang batikos sa pamamahala ni Bucayu sa Ilocos Region.

Nabanggit ng inyong lingkod na maraming natuwa sa pagmamanok ni Justice Secretary Leila de Lima kay dating Bureau of Jail Management and Penology director Chief Supt. Rosendo Dial na ngayon ay kasalukuyang nasa Department of the Interior and Local Government dahil hindi pa ito nagreretiro sa serbisyo.

Nakaalerto na biglang nagbigay ng komento ang ilang mambabasa ng Remate at nag-text na dapat ay nagbackground check muna si De Lima bago niya iniendorso si Dial sapagkat may mga kaso pala ito sa Office of the Ombudsman at Civil Service Commission. Maging sa lifestyle check daw ay bagsak si Dial dahil napakarami raw nitong pag-aari. Mayroon umano itong ipinagagawang mansion.

Tanong ng isang texter, saan kinuha ni Dial ang salapi para sa mansion? ‘Yan, ang hindi kayang sagutin ng inyong lingkod dahil hindi ko batid ang kakayahan ni Gen Dial. Kaya bukas ang kolum na ito para sa kanyang panig. Sinabi ng texter na malaki ang impluwensiya ni De Lima sa Palasyo sa ginawa niyang pag-eendorso kay Dial. Dapat daw ay suriing mabuti ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga iniuupo niya sa puwesto.

Hindi raw porke’t iniendorso ng isang grupo o ng mismong KKK (Kaklase, Kaibigan at Kabarilan) ni PNoy ay dapat na ito na ang maupo. Dapat ay may kredibilidad at malinis ang pangalan ng kanyang pagkakatiwalaan upang walang maging puna ang mga tao.

Sa pananaw ng inyong lingkod, pangatlong pagkakataon ay hindi na dapat magkamali si Pangulong Noynoy sa kanyang ilalagay sa pambansang piitan sapagkat kapag nangyari ito ay tiyak na three strike na – – – out na ito kung sa baseball o softball. Pero ang pag-uuupo sa gobyerno ay hindi naman laro kaya kailangang qualified sa puwesto ang mailalagay na opisyal.

Kaya nga makabubuting suriin muna ni PNoy kung sino ang dapat na maupo. Hindi baleng hindi niya KKK o masyadong gusto basta kwalipikado ito at may kakayahang patinuin o pasunurin sa ‘tuwid na daan’ ang mga taong hahawakan nito.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply