DOH sa publiko: Flu, ‘wag balewalain

flu

KASUNOD ng epidemya ng sakit na flu o trangkaso sa Estados Unidos, pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging maingat laban sa naturang sakit at huwag itong balewalain.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang mga taong nakakaramdam ng lagnat na may kasamang sore throat o ubo ay dapat na manatili na lamang muna sa kanilang mga tahanan at magpagaling dahil ang mga ito ay pangunahing sintomas ng flu o influenza.

Ang flu ay isang viral illness na madaling maikalat ng “tao sa tao” sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo at pagsasalita ng isang taong mayroon nito.

Maaari rin aniyang maipasa ang virus isang araw bago pa man lumitaw ang sintomas nito o hanggang limang araw habang ang isang tao ay may sakit.

Nagbabala pa ang health chief na hindi dapat na balewalain ang influenza dahil ito’y isang seryosong sakit at maaaring mauwi sa pagkaka-ospital o di kaya’y pagkamatay.

Ipinaliwanag din ng Kalihim na ang mga sanggol, buntis, matatanda at yaong may mga health conditions tulad ng sakit sa puso, bato at baga, ay maaaring magkaroon ng mas malalang sakit at dumanas ng komplikasyon ng pneumonia.

Payo pa ni Ona, upang maiwasan ang pagkalat ng flu ay dapat na manatili na lamang sa bahay ang taong may taglay nito hanggang sa mawala ang mga sintomas sa loob lamang naman ng ilang araw.

Dapat rin aniyang magkaroon ng proper hygiene at protective measures tulad ng regular at tamang paghuhugas ng kamay, cough etiquette at social distancing.

Ang mga matatanda naman aniya ay maaaring mag-avail ng flu vaccination program ng pamahalaan sa mga health center na malapit sa kanilang lugar habang ang mga tinatawag namang high risk-individuals, tulad ng mahina ang immune system ay dapat na kaagad na kumonsulta sa doktor.

Tiniyak rin naman ni Ona na minu-monitor nila ang flu season sa US ngayon.

Batay kasi aniya sa ulat ng US Centers for Disease Control and Prevention sa Atlanta, Georgia, ang over-all influenza activity ay nananatiling mataas sa naturang bansa mula period ng Disyembre 30 hanggang Enero 5 at itinuturing na itong epidemya sa ilang estado doon.

Bagamat ang influenza season aniya sa bansa ay mula Hulyo hanggang Disyembre pa, sinabi ni Ona na kinakailangan pa ring maging vigilante ang lahat laban sa naturang sakit.

Nabatid na inatasan na ng DOH ang Bureau of Quarantine na magsagawa ng mahigpit na screening sa mga pasaherong pumapasok sa bansa, partikular na ang mga mula sa US.

“The Christmas season had brought in relatives from the United States to have their vacation here in the Philippines. I have instructed the Bureau of Quarantine to intensify fever screening at the points of entry. Though there are neither travel nor trade restrictions imposed concerning the US flu situation, we must be on our guard to detect influenza cases not only at our ports and airports but also from our health facilities”,  aniya pa.

Nilinaw naman ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC) na wala namang dapat na ipangamba ang mga mamamayan dahil hindi pa flu season sa bansa ngayon.

Hindi na rin aniya kailangan pang magsuot ng face mask dahil hindi naman airborne ang flu virus kundi droplet infection, na nangangahulugan na mahahawa ka lamang ng sakit kung babagsak sa ilong o bibig mo ang droplet na mula sa pagbahing, pag-ubo o pagsasalita ng isang taong infected ng flu.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply