DOH sa publiko: Mano-mano, beso-beso iwasan muna

beso-beso

PINAIIWAS muna ng Department of Health (DOH) ang publiko sa pakikipag-beso-beso, pagmamano, pagyayakapan at pakikipagkamay upang hindi mahawa ng trangkaso o flu.

Ang payo ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag ay kasunod pa rin nang patuloy na epidemya ng flu sa Estados Unidos at mahigpit na pagbabantay naman ng kagawaran sa trangkaso sa bansa lalo na’t inaasahang magiging malamig ang panahon sa Pilipinas hanggang sa buwan ng Pebrero.

Ayon kay Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), sa ngayon ay dapat pairalin muna ang social distancing upang hindi mahawa ng trangkaso.

Aniya, sa pamamagitan ng social distancing ay maiiwasang malantad sa mga taong infected ng flu.

“Social distancing: No beso beso, No mano nang Kamay, No hugs,” tweet pa ni Tayag, gamit ang hashtag na #FightTheFlu.  “Social distancing means minimizing exposure to potentially infected persons or crowds: avoid overcrowded places, NO handshakes.”

Kaugnay nito, pinayuhan rin ni Tayag ang publiko na alamin ang mga sintomas ng flu tulad ng lagnat, sore throat, ubo, sipon at runny nose.

Nagbabala pa si Tayag na delikado ang flu kapag naihawa sa mga sanggol, buntis, matatanda at yaong may existing health conditions.

Aniya, mahahawa ang isang tao ng flu kapag na-expose sa isang taong infected nito o sa pamamagitan ng droplet infection.

Sakali naman aniyang infected na ng flu, mas makabubuti kung manatili na lamang sa tahanan at magpagaling muna upang hindi maikalat ang sakit.

Dapat rin aniyang gumamit ng face mask ang taong infected ng flu upang hindi mahawahan ang kanyang mga kasama sa bahay.

Ayon sa health official, mas mabuti kung magkakaroon ng cough etiquette o magtakip ng ilong at bibig gamit ang panyo kapag umuubo o bumabahing.

Kung wala aniyang dalang panyo ay gamitin na lamang ang manggas ng damit sa pagpahid ng ilong, sa halip na kamay.

Dapat rin aniyang uminom ng maraming tubig at fruit juice upang bumilis ang paggaling ng isang taong may flu.

Ang mga matatanda naman ay pinayuhan ni Tayag na magpabakuna laban sa trangkaso na libre naman aniya sa mga health center.

Pinag-iingat rin ni Tayag ang publiko mula sa malamig na panahon at pinayuhan ang mga ito na protektahan ang sarili sa pamamagitan nang paggamit ng jacket, scarf, bonnet at gloves.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply