ELECTION GUN BAN PISTA NG MGA GAHAMAN

baletodo

HAYAN, nagsimula na ang election gun ban sabi ng Commission on Elections (Comelec) at tatagal ito ng 45 araw na sa huling salita ni Comelec chair Sixto Brillantes, maliban kina Pangulong Benigno Aquino III at VP Jojo Binay. Puwede rin daw ma-exempt ang mga hukom at piskal.

Kung pulis naman o sundalo, puwede lang magbitbit sa oras ng trabaho at pagkatapos, bawal na raw silang magdala. Okay lang ba ‘yun?

Ganyan kahigpit ngayon ang Comelec, sabi da. Pero teka, mga sir, papaano ‘yung mga pribadong may-ari ng baril na may mga negosyo at yaong mga nagdadala ng pera patungong bangko? Papaano ‘yung mga may baril na delikado ang trabaho? Paano ‘yung may mga baril na may banta sa mga sindikato?

Sa totoo lang, mga ginoo, ang mga taong iyan ay napilitan lang bumili at magpalisensiya ng kanilang baril hindi para ipagyabang o ipanakot sa kapwa kundi bilang proteksyon sa kanilang buhay at negosyo.

Alam ng mga taong ito na hindi sila kayang bantayan palagi ng ating mga awtoridad kaya kumbaga, sariling depensa na lang laban sa mga kriminal ng ating lipunan.

Okay, okay. Bawal na ang magdala ng baril sa panahon ngayon ng eleksyon. Papaano ‘yung mga politiko na hindi lang may baril kundi may private army pa?

Maraming sindikato ng iba’t ibang krimen na hindi lang may armas kundi may arsenal pa katulad nang mga “gun-for-hire” at mga holdaper ng bangko. Ibig sabihin, pinalakas lang ng election gun ban ang mga sindikato at kalaban ng pamahalaan sa kautusang iyan.

Hayan nga, ilang araw pa lang bawal, may mga biktima na ng pamamaril. Tiyak na tiyak, marami pa ang susunod na biktima sa panahon ng election gun ban na tila ba pista ng mga gahaman at kriminal.

Sana ay maisip ito ng Comelec at ng Pambansang Pulisya.

Mismong si Pangulong Aquino nga hindi kumbinsido sa batas ng gun ban ngayon eh.

Sana ay isaalang-alang ang gun ban at bigyan ng exemption ang mga lehitimong negosyante at kauring mamamayan na kailangan armado sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Dati na ang ganitong patakaran.

Teka, Chairman Brillantes et al ng Comelec, alam ba ninyo na may taga-Comelec daw na nag-aalok ng exemption kapalit ang malaking halaga?  Aba naku ha, ang mga gahaman diyan, nagpipista na naman!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply