EPEKTIBO BA ANG GUN BAN?

bobby-ricohermoso

PORMAL nang nagsimula ang election period noong araw ng Linggo.

At gaya ng mga nakaraang panahon ng halalan, sasailalim na ang buong bansa sa iba’t ibang regulasyon na may kaugnayan sa mga panuntunan na pinaiiral ng Commission on Elections (Comelec).

Bilang pangunahing ahensiya na tagapagpaganap ng halalan, nais ng Comelec na siguraduhing magiging maayos, tahimik at malinis ang gagawing eleksyon ngayon taon.

Kaya naman isa sa mga pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng Comelec ay ang mahigpit na pagpapatupad ng total gun ban.

Nagpalabas na ang poll body ng kabuuang pondo na umaabot sa P770 milyon para gamitin ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines sa pagtupad ng kanilang tungkulin gaya ng pagtatayo ng mga checkpoint at iba pa.

Ikinatuwiran ng Comelec na kailangang ipatupad ang total gun ban para maiwasan ang mga election related violence.

Sa unang tingin ay maganda naman ang layunin ng Comelec sa pagpapatupad ng total gun ban.

Ang tanong na lang ay nagiging tagumpay ba naman sila sa kanilang layunin?

Epektibo ba talaga ang total gun ban sa pagpapanatili ng katahimikan sa buong bansa sa panahon ng halalan?

Kaya naman hindi kataka-taka na umangal at magkaroon ng agam-agam ang mga may-ari ng mga lisensyadong baril dahil alam nilang sila ang apektado ng pagbabawal sa kabila ng sumusunod sila sa batas.

Dagdag pa rito na hindi naman kayang ipatupad ng Comelec ang gun ban laban sa mga kriminal at maging sa hanay ng New People’s Army (NPA) at iba pang rebeldeng grupo.

Nagkakapera pa nga ang mga NPA sa panahon ng halalan dahil na rin sa ipinatutupad nila na permit to campaign (PTC) at permit to win (PTW) sa mga lugar na kontrolado o kinikilusan ng kanilang grupo.

Lumalabas na humihingi ang mga NPA ng P5 milyon kada isang kandidato sa pagka-gobernador, P500,000 sa mga tumatakbo bilang kongresista, vice governor, at provincial board member; P100,000 sa mga tumatakbong mayor at P50,000 sa mga konsehal.

Sa harap ng mga pangyayaring ito, paano masasabi ng Comelec at maging ng PNP at AFP na kaya nga nilang siguruhing magiging mapayapa ang halalan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng total gun ban?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply