Field testing sa PCOS machines isasagawa bukas

comelec-3

NAKATAKDANG isagawa bukas (Sabado) ng Commission on Elections (Comelec) ang field testing sa mga precinct count optical scan (PCOS) machine na gagamitin sa May 13 midterm elections.

Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na layunin ng field testing na masuri ang kakayahan ng mga PCOS machines sa pag-transmit ng resulta ng halalan at upang mabigyan ng pagkakataon ang Comelec na mapaghusay pa ang sistema.

Aniya pa, hindi bukas sa media ang field testing dahil maraming aktibidad dito ay may kinalaman sa internal ng sistema.

“The field test aims to simulate the automation stages on Election Day and to allow the poll body to improve the system,” ayon kay Jimenez. “It’s an internal test of the system. We will be transmitting data from our remote locations and we will see if the supposed recipient will be able to receive them.”

“We will probably not allow coverage at this point because a lot of activities involved in field testing are internal to the system,” ani Jimenez.

Kaugnay nito, inianunisyo na rin ni Jimenez na sa Pebrero 2 naman idaraos ng Comelec ang mock elections, na bukas sa publiko.

Nabatid na idaraos ang mock elections gamit ang automated election system sa voting centers sa 10 lugar sa buong bansa, kabilang ang UP Diliman at Barangay Crame sa Metro Manila.

Mismong si Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. ang mangunguna sa mock elections sa UP, bago tutuloy sa Barangay Crame para sa isang press conference.

Ayon kay Jimenez, magbibigay naman sila ng instruksiyon sa kanilang mga field official kung sinu-sino ang magsasagawa ng mock elections sa mga lalawigan.

Aniya, magkakaroon lamang ng 50 botante sa mock elections sa mga lalawigan, na isasagawa mula 7:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali. Sa National Capital Region naman ay gagamit ng buong libro ng botante at ang voting hours ay mula 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi.

Magsasagawa rin umano ng random manual audit sa isang lugar na tutukuyin na lamang ng Comelec sa mga susunod na araw.

Samantala, magdaraos rin ng ribbon cutting ang Comelec sa National Printing Office sa Enero 30, o limang araw bago ang pagsisimula nang pag-iimprenta ng balota sa Pebrero 4.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply