Fiesta Republika ng Malolos, Bulacan

fiesta-republica

MALOLOS, Bulacan, – Inanunsyo ni Mayor Christian Natividad na magiging bahagi na simula sa susunod na taon (2014) sa national tourism calendar ng Department of Tourism (DOT) ang Fiesta Republika ng Malolos na ginagawa kaalinsabay ng pagdiriwang ng pagkakatatag sa Unang Republika ng Pilipinas.

Sa idinaos na Rigodon de Honor noong ika-23 ng Enero sa Malolos Sports and Convention Center, sinabi ni Natividad na nang dahil sa Fiesta Republika na kanyang pinasimulan noong 2011 ay muling nakilala ang kanyang lungsod bilang pinakamakasaysayan sa lahat ng makasaysayang lugar sa Pilipinas dahil pinagtibay sa simbahan ng Barasoain ang naging deklarasyon ng kalayaan mula sa mga Kastila sa Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo, 1898.

Binigyang diin pa ng punong lungsod na bukod sa pagbabalik tanaw sa kadakilaan ng Malolos noong panahon na pinasinayaan ang Unang Republika, tinatanaw aniya ngayon ang kadakilaan ng Malolos sa pamamagitan ng pag-abot ng mga programa at serbisyo sa karaniwang Malolenyo.

Sinabi naman ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) chair Maria Serena Diokno na dapat ilapit sa lahat ng tao ang mga biyaya ng Republika sapagkat ang pagiging Republika natin mismo ay isa nang biyaya.

Ang Republika aniya ang nagbigay sa atin ng karapatan sa edukasyon, karapatan sa paninirahan at pagmamay-ari ng lupang sakahan, makaboto at maiboto, makapili ng relihiyon at karapatang makapagpahayag ng saloobin.

Ang lahat ng mga karapatan ay ibinigay ng Republika dahil sa bisa ng Saligang Batas ng 1899 na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos sa simbahan ng Barasoain.

Kaugnay nito, idinaos sa kauna-unahang pagkakataon mula ng taong 1899 ang Rigodon de Honor kapiling ang mga opisyal mula Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija at Maynila — ang walong lalawigang unang nag-aklas laban sa mga Kastila.

Ayon sa mga talang pangkasaysayan ng NHCP, ginanap ito bilang pagdiriwang sa pagiging Republika na pinangunahan ni Pangulong Emilio Aguinaldo.

Ang sayaw na ito ay iniuwi ng mga mayayamang Pilipino sa Pilipinas buhat sa mga bansang Europeo na siyang ginagawa tuwing may malaking okasyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply