FILIPINA, MILYONARYA SA AUSTRALIA

PASAPORTE-BY-JR-LANGIT

MASIKIP, mabaho at marumi, ni walang tubig o kuryente- ‘Yan ang lugar na kinalakhan ni Tina Ackerley.

Maliit pa si Tina nang pumanaw ang kanyang ama. Naiwan sila nito na walang sariling bahay kung kaya’t napilitan silang tumira sa isang barong-barong sa squatter’s area.

Dahil na rin sa kahirapan ng buhay, bata pa lamang ay mulat na si Tina sa pagbabanat ng buto. Upang makatulong sa pangangailangan ng kanilang pamilya at matustusan na rin ang kanyang pag-aaral, naging taga-igib siya ng tubig ng kanilang mga kapitbahay.

Bagama’t salat sa salapi at lugmok sa kahirapan ng buhay, nakapagtapos siya ng kursong electronic technology, dahil na rin sa labis niyang pagsisikap.

Isang kaibigan, ang nakaimpluwensya kay Tina upang subukang mag-apply at mag-migrate sa Australia.

Nang makarating ng Australia, tila biyaya ng Maykapal na kaagad siyang nakakuha ng trabaho.

“…Pagtawag ko ‘yung mismong may-ari ang nakausap ko, ininterview ako, tapos pinag-start na ako ng araw na ‘yun,” kwento niya.

Nagsimula siya sa pamamasukan at pagkukumpuni ng mga sirang computer, telepono, printer at iba pang mga electronic equipment, hanggang sa maisipan niyang pasukin ang pagiging distributor doon ng mga pelikulang Pinoy.

“Ako kasi noon ang exclusive distributor ng Regal at Viva Films tapos kino-convert ko sa system nila dito, tapos idine-deliver ko sa mga nagrerentang Pinoy,” salaysay pa niya.

Dahil na rin sa sipag at pagtitiyaga, unti-unting lumago ang negosyo niyang iyon, hanggang sa makapagpatayo na rin siya ng sariling grocery store –  ang Phil Asian Grocery, kung saan makabibili ng mga produktong gawa sa Pilipinas.

Magmula sa mga de-latang sardinas, palaman na gaya ng peanut butter,  condiments na gaya ng patis at toyo, hanggang sa walis tingting at iba pang produktong Pinoy na matatagpuan at mabibili sa grocery ni Tina.

Nadagdag pa sa mga negosyo niya ang Mega Star Travel, isang travel agency na itinayo rin niya. Naging patok ito sa masa at ayon kay Tina ay marami ang nagpa-pa-book sa kanila, na naging dahilan upang kilalanin ang travel agency niya bilang isa sa mga best seller.

Dahil sa naging tagumpay ng mga negosyo ni Tina, ang dating gusaling inuupahan niya para sa kanyang mga negosyo, naging pagmamay-ari na niya.

Tunay nga na malayo-layo na rin ang narating ni Tina sa buhay at ayon sa kanya ang lahat ng iyon ay dahil sa matinding pananalig niya sa Maykapal.

Pananalig sa Diyos, determinasyong umunlad, pagsisikap at pagtitiyaga, at higit sa lahat pagkakaroon ng pangarap na magtagumpay.

‘Yan ang mga naging daan upang si Tina Ackerley, dating nakatira sa squatter’s area ay maging milyonarya at matagumpay sa bansang Australia.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply