GRO kritikal sa tarak

emergency-2

MALUBHANG nasugatan ang isang Guest Relation Officer makaraang pagsasaksakin ng kapwa GRO sa Pasay City, kagabi.

Kritikal ngayon sa Pasay City General Hospital ang biktima na si Noche Cartagena, 33 anyos na dalaga, naninirahan sa No. 704 Apelo Cruz St. Malibay ng naturang lungsod, na nagtamo ng dalawang saksak sa sikmura at braso.

Agad namang naaresto ng tauhan ni Police Chief Inspector Jolly Soriano hepe ng PCP-6 ang suspek na si Girlie Eballa, 29 anyos na dalaga at residente ng 284 Primero De Mayo St. Pasay City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nina SPO1 Roderick Navarro at PO3 Giovanni Arcinue, may hawak ng kaso sa Criminal Investigation Division (CID) ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas:9:30 ng gabi sa labas ng SP Videoke Bar na matatagpuan sa kanto ng Aurora Boulevard, Edsa, Pasay City.

Galit na kinompronta ng biktima ang suspek hinggil sa mapang-insultong mensahe na ipinadala sa kanya ng suspek.

Napahiya ang suspek sa mga taong nakamasid dahil sa katarayan ng biktima kaya napikon ito at kumuha ng patalim sa kusina ng videoke bar.

Nang lumabas ang suspek, walang habas nitong tinarakan ng saksak ang biktima na tinamaan sa maselang parte ng katawan.

Matapos ang pananaksak ay nagmamadaling pumasok sa loob ng videoke bar ang suspek habang ang duguang biktima ay agad isinugod ni Rochelle Dela Cruz sa naturang pagamutan.

Hindi na nagawang tumakas ng suspek na si Eballa nang biglang dumating ang rumespondeng pulis na si PO3 Timothy Mengote.

Nakapiit ngayon ang suspek sa detention cell ng CID at nakatakdang sampahan ng kasong frustrated homicide sa City Prosecutor Office ng Pasay City.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply